February 05, 2026

Home BALITA

'Sa wakas dumating din!' Jack Argota, natanggap na 'subpoena' mula sa NBI

'Sa wakas dumating din!' Jack Argota, natanggap na 'subpoena' mula sa NBI
Photo courtesy: Sir Jack Argota/FB


Natanggap na umano ng vlogger at social media personality na si Jack Argota ang isang subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI).

Kasunod ito ng pahayag ni NBI Acting Director Lito Magno kung saan maaari daw mapadalhan ng subpoena si Argota dahil sa umano'y pagpapakalat nito ng pekeng medical record ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

KAUGNAY NA BALITA: Jack Argota, nag-react na posibleng ma-subpoena dahil sa 'pekeng' med record ni PBBM-Balita

Sa ibinahaging Facebook post ni Argota nitong Huwebes, Pebrero 5, tila inaabangan ng vlogger ang pagdating ng naturang subpoena.

“May SUBPOENA nako! Sa wakas dumating din haha!” ani Argota sa kaniyang post.

Nagpaabot pa siya ng pasasalamat sa NBI matapos ipadala ito nang direkta sa kanilang tahanan.

“Salamat National Bureau of Investigation sa paghatid dito sa bahay, may maikling kwentuhan at tawanan haha! See you mga Boss! #SirJackNBISubpoena,” saad pa niya.

Photo courtesy: Sir Jack Agorta/FB

Sa hiwalay na Facebook post nito ring Huwebes, Pebrero 5, sinabi rin ng vlogger na karapatan umano niya na malaman kung sino ang nag-file ng naturang subpoena dahil aniya, aabalahin daw siya nito.

“Nagbigay nga ng Subpoena pero walang nakalagay kung sino nag file? Karapatan ko naman siguro malaman yun kasi aabalahin nila ako tapos walang pangalan na nakalagay kung sino? Trippers yarn? Anyway haharapin ko yan nang in good faith, puro katotohanan lang ang sasabihin ko jan. Beysik!” anang vlogger.

Photo courtesy: Sir Jack Agorta/FB

Matatandaang kamakailan, nanindigan ang Malacañang na gusto nilang maimbestigahan ang pagkalat ng mga maling impormasyon kaugnay sa umano’y medical report ni PBBM.

“Dapat lang, dapat lang [na] tingnan ito dahil na po biro ang biruin ang kondisyon [at] kalusugan ng Pangulo. Kaya po ang [National Bureau of Investigation] NBI, alam po natin na mabilis umaksyon ang NBI, para maimbestigahan kung sino po ang nasa likod nito,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng PCO noong Huwebes, Enero 29.

MAKI-BALITA: Palasyo, aaksyunan pagpapakalat ng umano’y pekeng ‘medical report’ ni PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA