Nananatiling umaasa ang Philippine Coast Guard (PCG) na makakapagrekober pa sila ng ilan pang survivors at mga bangkay, sa higit isang linggo na nilang “search ang rescue” operations sa tumaob na MV Trisha Kerstin 3 kamakailan.
“The Philippine Coast Guard is still hopeful, although there are sightings and recovery of bodies, we are still hopeful na mayroon pa rin tayong makikita na mga buhay, definitely doon sa coastal areas kung saan sila napadpad,” saad ni PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, PCG, sa panayam niya sa media nitong Huwebes, Pebrero 5.
Dahil dito, nagpapatuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga karatig-coast communities, kasabay ang pinaigting pa nilang “search and rescue” operations.
Tiniyak din ni Cayabyab ang mga pamilya na patuloy pang naghihintay na sinisikap ng PCG na hanapin at ibalik sa kanila ang mga kaanak na naging biktima sa trahedya ng MV Trisha Kersten 3.
“Nauunawaan po ng Philippine Coast Guard ang pag-aalala ng mga kamag-anakan sa kanilang mga pamilya. Kaya ang Philippine Coast Guard, kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, even ‘yong local government units at fisherfolk communities natin, ay patuloy at walang pagod na magsasagawa ng search and rescue operations na ito. So, we will give our best efforts and all the best approaches para mahanap ang mga nawawalang indibidwal at maibalik po sa kanilang mga pamilya,” pagtitiyak ni Cayabyab.
Sa kaugnay na ulat, nakumpirma ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) noong Miyerkules, Pebrero 4, na nasa 1.8 nautical miles off Baluk-Baluk Island, Basilan, ang lokasyon ng MV Trisha Kerstin 3.
Dahil dito, ligtas na nakapasok ang PCG technical divers sa lumubog na sasakyang-pandagat bilang parte ng kanilang nagpapatuloy na underwater assessment operations.
Dito ay may natagpuan pang dalawang katawan ang mga awtoridad.
Kaya base sa latest update ng PCG, 45 na ang bilang ng mga nasawi mula sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3.
MAKI-BALITA: Nasawi sa pagtaob ng MV Trisha Kerstin 3, umakyat na sa 45!
KAUGNAY NA BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Sean Antonio/BALITA