Arestado ang isang 34-anyos na lalaki matapos matukoy sa CCTV ang umano’y pagnanakaw ng karaoke set sa isang ginagawang hotpot restaurant sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang suspek na pumasok sa lugar sa pamamagitan ng tabing na nakatakip sa gate at inakyat ito nang mapansing walang tao sa loob.
Sinilip pa umano nito ang isang silid sa loob ng establisimyento bago tuluyang isagawa ang pagnanakaw.
Ilang sandali pa, isa-isa nitong kinuha ang mga kahon na naglalaman ng karaoke set at inilabas sa pamamagitan ng paglusot sa ilalim ng gate. Isinakay ng suspek ang mga ninakaw sa kanyang dalang pedicab at agad na umalis na tila walang nangyari.
Ayon sa biktimang si Celso Villanueva Jr., unang nagpunta ang suspek sa lugar noong gabi at humingi ng kalakal na ibinigay naman nila bilang tulong.
Kinabukasan, bandang 7:00 ng umaga, bumalik umano ito upang kunin ang natitirang kalakal, na kalaunan ay napagtantong bahagi na pala ng pagmamanman nito.
Kasunod nito, bumalik muli ang suspek sa lugar upang manghingi ng kalakal. Hinala ng biktima, inakala umano ng suspek na hindi pa siya napapansin o nahuhuli. Hindi na muna ito sinita ng biktima dahil sa pangambang maaaring armado ang suspek.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nagdesisyon ang biktima na mag-report na sa barangay upang ipa-blotter ang insidente. Habang nasa barangay hall, namataan ng mga opisyal ang suspek na muling umaaligid sa naturang kainan, dahilan upang agad itong palibutan at arestuhin.
Ayon kay Barangay Concepcion Uno Executive Officer Michael Santiago, naabutan nila ang suspek sa isang waiting shed at kinilala bilang isang indibidwal na dati na ring nasangkot sa kaparehong kaso.
Nabawi naman ang karaoke set na nagkakahalaga ng halos ₱30,000 sa isang kapitbahay sa Barangay Tumana, kung saan umano ito naibenta ng suspek sa halagang ₱500.
Paliwanag ng suspek, kagutuman ang nagtulak sa kanya upang magnakaw at humingi siya ng paumanhin sa abalang idinulot ng kanyang ginawa.
Inamin din nitong ikaapat na beses na siyang nahuli dahil sa pagnanakaw at nangakong hindi na ito mauulit.
Nakatakdang magsampa ng reklamong theft ang biktima laban sa suspek.