Natagpuang nakahandusay sa dalampasigan ng Guinayangan, Quezon, ang isang patay na dambuhalang oarfish noong umaga ng Miyerkules, Pebrero 4.
Ayon sa Facebook page ng Guinayangan Quezon nitong Huwebes, Pebrero 5, ang nasabing oarfish ay may haba na 3.59 metro at bigat na 22 kilo.
Naiulat din na nang matagpuan ito ng mga residente sa dalampasigan ng kanilang Municipal Fish Port, agad nila itong inireport sa Coastguard Substation Guinayangan, kung saan isa pang pagsusuri ang isinagawa rito ng tanggapan ng Pambayang Agrikultor, bago ito ilibing.
Makikita naman sa komento ng ilang netizens sa nasabing post ang pagkahabahala sa paglitaw ng oarfish dahil posible raw itong pangitain bago ang trahedya tulad ng lindol.
Sa kaugnay na ulat, ang oarfish o regalecus glesne ay uri ng lamang-dagat na lumalaki hanggang 30 feet.
Kinikilala rin ito sa tawag na “doomsday fish” dahil base sa Japanese legend, ang oarfish, na nakatira mula sa ilalim ng karagatan, ay lumilitaw para magbigay ng babala sa mga tao kapag may paparating na lindol.
Ayon naman sa siyensiya, ang paglitaw ng oarfish ay isa lamang haka-haka dahil base sa kanilang mga pag-aaral, ang paglabas ng mga oarfish ay bunsod lamang ng pagbabago ng temperatura sa karagatan, seismic activity sa ilalim ng dagat, polusyon, o kaya’y pagkakasakit nito.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit tinawag na ‘doomsday’ fish ang oarfish?
Sean Antonio/BALITA