February 05, 2026

Home BALITA

Impeachment complaints kay VP Sara, 'di pa raw transmitted kay House Speaker Dy!

Impeachment complaints kay VP Sara, 'di pa raw transmitted kay House Speaker Dy!

Kinumpirma ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy na wala pa raw naita-transmit sa kaniyang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ambush interview ng media kay Dy nitong Huwbes, Pebrero 5, 2026, tanging pag-iling at kumaway na lang ang kamay niya nang tanungin kung na-transmit na sa kaniyang opisina ang mga reklamong impeachment laban kay VP Sara.

Tumanggi rin ang Speaker na magbigay ng komento kaugnay sa naging pagbasura dahil sa kakulangan sa substansiya ng impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., gayundin sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pagtanggi ng Kamara na ilabas ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga mambabatas sa gitna ng imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa mga flood control project.

Ang unang impeachment complaint laban kay Vice President Duterte ay inihain ng Makabayan coalition at mga kaalyadong grupo, na nagsasabing nilabag umano nito ang tiwala ng publiko. 

Probinsya

PCG, umaasang may marerekober pang survivors at mga bangkay mula sa MV Trisha Kerstin 3

Kabilang sa mga alegasyon ang pag-uutos umano sa mga tauhan na maghanda ng hindi kapani-paniwalang accomplishment reports na suportado ng peke at pinalsipikang liquidation documents para sa pagsusumite sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng paggamit ng confidential funds, gayundin ang umano’y tahasang pagtanggi na kilalanin ang congressional oversight at kapangyarihan ng Kongreso sa mga budget deliberation at imbestigasyon.

Samantala, ang ikalawang impeachment complaint ay inihain ng civil society group na Tindig Pilipinas at iba pa, na inaakusahan ang Pangalawang Pangulo ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at commission of high crimes. 

Kabilang sa mga paratang ang umano’y pag-amin ni Duterte sa isang public broadcast na nagkontrata siya ng isang assassin upang patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, at noo’y House Speaker Martin Romualdez; maling paggamit at malversation ng confidential funds bilang Vice President at dating kalihim ng Department of Education; pamamahagi umano ng cash gifts sa mga opisyal ng DepEd na may kinalaman sa procurement; hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang ideklara ang lahat ng ari-arian sa kanyang SALN; at pagkakadawit umano sa extrajudicial killings ng Davao Death Squad noong siya ay alkalde ng Davao City.