Ipinahayag ng miyembro ng Justice Committee sa Kamara na si Manila 6th District Rep. Benny Abante na sa kaniyang palagay, tila hindi na epektibo ang muling pagpapataw ng suspensiyon kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, kaya expulsion ang dapat na ipataw sa mambabatas.
Ayon kay Abante sa panayam sa kaniya ng isang programa ng "One PH," sinasabi niyang tila hindi mapipigilan si Barzaga sa alinmang nais niyang sabihin, bagama't iginagalang ng House of Representatives (HOR) ang karapatan sa malayang pananalita ng bawat mambabatas.
"Ako nga, ang gusto ko diyan expulsion na eh," saad ni Abante sa panayam.
"You can suspend him, hindi naman titigil magsalita 'yan eh. Magsasalita pa rin 'yan eh"
"Meron pang nagsasabi maging compassionate kami because he has a para bang neurotic attitude, sabi ko, 'He has not believed that he has mental, you know, mental problem. Hindi siya naniniwala ro'n eh," saad pa ng mambabatas.
Gayunman, nilinaw niyang may hangganan ang kapangyarihan ng Kamara pagdating sa pagdidisiplina, at hindi umano maaaring pilitin si Barzaga na sumailalim sa pagsusuri ng mga eksperto dahil maaari itong lumabag sa kaniyang mga personal na karapatan.
Dagdag pa niya, malaya pa ring makapagsalita ang kongresista sa labas ng sesyon, subalit hindi na muna ito pinahihintulutang magsalita sa loob ng Kamara habang may parusa.
Muling sinuspinde si Barzaga sa loob ng 60 araw matapos irekomenda ng House Committee on Ethics and Privileges ang nasabing hakbang.
Kaugnay na Balita: Suspended Rep. Barzaga, muling ipapatawag sa House Ethics Committee
Matatandaang noong Disyembre ay una na itong ipinataw ng kaparehong parusa laban sa mambabatas.
Kaugnay na Balita: 'Guilty sa ethics complaint!' Kiko Barzaga, 60 araw suspendido, wala ring suweldo
Sa kabila nito, umuugong ang usapin sa loob ng Kamara kung kinakailangan na bang magpatupad ng mas mabigat na hakbang upang tuluyang matigil ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng kongresista.