Napatay ng mga armadong lalaki ang isang 74-anyos na babae matapos itong pagbabarilin sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental.
Kinilala ang biktima na si alyas “Leonora” na binaril bandang 7:00 ng gabi sa Purok Halimbawa. Ayon sa ulat, puwersahang pumasok ang mga suspek sa bahay na itinayo ng lokal na pamahalaan para sa biktima at kinompronta siya sa loob bago naganap ang pamamaril.
Batay sa mga ulat, dalawang armadong lalaki umano ang dumating sa bahay, nakipag-usap sandali kay Leonora, at inutusan ang mga nasa loob na huwag lumabas.
Ilang sandali ang lumipas ay nakarinig na lamang ng putok ng baril ang pamilya.
Dahil sa takot, sinunod ng mga kaanak ang utos ng mga suspek at nanatili sa loob ng bahay. Kalaunan, natagpuan ang biktima na nakahandusay sa labas ng kanilang bahay, naliligo sa sariling dugo at may tama ng bala sa noo.
Lumabas sa imbestigasyon na ang biktima ay dating may-ari ng bahay sa parehong barangay kung saan pitong hinihinalang rebelde ang napatay sa isang engkuwentro noong Abril 27, 2025, kabilang ang isang graduate ng University of the Philippines na si Dee Supelanas.
Dahil sa pagkasira ng kanilang dating bahay, nagtayo ang pamahalaang lungsod ng Kabankalan ng bagong tirahan para sa pamilya—ang parehong bahay kung saan naganap ang pinakahuling pamamaril.
Inaalam ngayon ng mga imbestigador kung ang pagpatay sa biktima ay may kaugnayan sa paratang na nagbibigay umano siya ng impormasyon sa militar
Itinuturing naman ng ilan ang insidente bilang unang kasong may kaugnayan sa insurgency na naitala ngayong taon sa ilalim ng bagong commander ng batalyon na si Lieutenant Colonel Roberto Maduli.