Nagluluksa ang mga magulang ng magkakapatid na menor de edad na kinitil ang sariling mga buhay nang dahil sa cellphone.
Ayon sa mga ulat, tumalon mula sa balkonahe ng kanilang bahay sa India ang magkakapatid na nasa edad 16, 14 at 12 taong gulang matapos silang pagbawalan umanong gumamit ng cellphone ng kanilang ama.
Sinasabing nalulong umano sa isang Korean “love game” ang magkakapatid, dahilan upang pagbawalan na sila ng kanilang ama sa paggamit ng cellphone.
Nagawa pa raw ng magkakapatid na mag-iwan ng walong pahinang liham sa kanilang mga magulang na nagsasaad ng kanila raw pagkadismaya sa nasabing aksyon nito sa kanilang pagkahumaling sa nasabing Korean game.
Batay sa salaysay ng mga magulang ng magkakapatid, nagsimulang mahumaling sa mga Korean game ang kanilang anak simula noong COVID-19 pandemic. Maliban dito, nahumaling din daw ang mga ito sa K-POP music, K-drama at Korean TV shows na nagdulot upang mag-drop out ang mga ito sa eskwelahan.
Samantala, sinubukan pang isugod sa ospital ang magkakapatid ngunit lahat sila ay idineklarang dead on arrival.
Ayon sa tala ng World Health Organization (WHO) noong 2019, napilitan silang ilagay ang adiksyon sa mobile game sa International Classification of Diseases dahil sa patuloy na paglala ng bilang ng mga mahuhumaling sa online games bunsod ng paggamit ng cellphones.
Saad pa ng WHO, ang naturang adiksiyon ay inilalarawan bilang, “A pattern of persistent or recurrent gaming behavior that takes precedence over other life interests.”