Dinakip ng mga awtoridad ang isang cellphone technician sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte, matapos siyang mapaghinalaang nasa likod ng pagkalat ng mga maseselang larawan at video ng isang 17-anyos na dalagita na dati umanong nagpaayos sa kaniya ng cellphone.
Ayon sa mga ulat, naaresto ang 22-anyos na suspek sa kaniyang tirahan sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police Regional Anti-Cybercrime Unit-Caraga (RACU-13). Hindi na umano nakapalag ang suspek nang isilbi ang pag-aresto.
Isinagawa ang operasyon matapos humingi ng tulong ang mga magulang ng biktima sa mga awtoridad nang matuklasan nilang kumakalat na sa internet ang mga pribadong larawan at video ng kanilang anak.
Batay sa imbestigasyon, ang suspek ang nilapitan ng biktima upang ipaayos ang kaniyang cellphone nang ito ay magkaaberya.
Ayon kay RACU-13 Chief Police Colonel Lemuel Gonda, humingi sila ng digital warrant upang masuri ang mga electronic device ng suspek at mapatunayan ang katotohanan ng mga alegasyon laban sa kaniya. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Ibinunyag ng pulisya na hindi raw batid ng mga magulang ng suspek na mayroon na pala itong anak. Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng natakot ang suspek—na isang nursing student—na mapatigil sa pag-aaral sakaling mabunyag sa kaniyang pamilya na siya ay may anak na.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse of Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials (CSAEM) Act (RA 11930).