February 04, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Hindi ako uurong!' Vinz Jimenez, nakatanggap ng subpoena sa NBI dahil sa cyber libel

'Hindi ako uurong!' Vinz Jimenez, nakatanggap ng subpoena sa NBI dahil sa cyber libel
Photo courtesy: Vinz JImenez (FB)

Muling umingay sa social media ang pangalan ng showbiz at social media personality na si Vinz Jimenez matapos niyang isiwalat na nakatanggap siya ng letter of subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng dati nang viral na isyu ng umano’y “cheating” na inilantad niya sa social media.

Sa isang Facebook post na inilabas noong Pebrero 3, 2026, sinabi ni Jimenez na matagal na niyang iniwan ang nasabing kontrobersiya at matagal na ring wala siyang anumang inilalabas na pahayag laban sa babaeng sangkot sa isyu, na bagama't hindi tinukoy ang pangalan, ay sinabi niyang "Oo, sya padin nga."

Ayon sa kaniya, dalawang araw lamang matapos ang kaniyang viral na post noon ay agad niya itong binura at hindi na sinundan pa ng iba pang mga pahayag.

Ibinahagi rin ni Jimenez na kahit naglabas pa umano ng dalawang video ang hindi tinukoy na babae noong bisperas ng Bagong Taon na may kaugnayan sa isyu—na aniya’y puno rin ng kasinungalingan—pinili niyang huwag nang patulan ito.

Tsika at Intriga

Michelle Dee, kinasuhan ulit ng qualified theft ang driver ni Rhian Ramos

Sa halip, nagpadala pa raw siya ng pribadong mensahe upang ipabatid ang kaniyang panig at linawin na ang tanging hinihiling niya ay isang taos-pusong paghingi ng paumanhin.

Dagdag pa ni Jimenez, matapos ang naturang mensahe ay tuluyan na siyang nag-move on at hindi na muling nagsalita pa ukol sa isyu, kahit hindi siya nakatanggap ng anumang sagot. Aniya, ipinagdasal pa niya ang babae at piniling iwasan ang karagdagang drama.

Gayunman, sa kabila ng kaniyang pananahimik, nagulat umano siya nang makatanggap ng subpoena mula sa NBI, na indikasyon na may naghain ng reklamo laban sa kaniya.

Nagmula raw ito sa Office of the Violence Against Women and Children Division (VAWCD). 

Ayon kay Jimenez, kung ngayon lamang umano ihahain ang kaso ay hindi na siya uurong at handa niyang harapin ang anumang legal na laban. Giit pa niya, mayroon siyang mga abogado, ebidensya, at mga patunay na maaari niyang iharap, at bukas din umano siyang magsampa ng kaukulang reklamo laban sa kabilang panig.

"At kung ngayon ka maghahain ng kaso, hindi ako uurong. Gusto mo ulit ng ingay, haharapin ko lahat yan, i have my attorneys, i have evidences and proofs. And i can also file a complain against you. Papanindigan ko tong laban na to," mababasa pa sa post ni Jimenez.

Photo courtesy: Vinz Jimenez/FB

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa panig ng babaeng sangkot sa isyu. Samantala, patuloy na pinag-uusapan ng netizens ang muling pagbabalik ng kontrobersiyang inaakala ng marami ay matagal nang natuldukan.

Kaugnay na Balita: Kampo ni Vinz Jimenez, dumepensa sa viral post; walang balak manakit, manira!

Kaugnay na Balita: Boylet, sinorpresa ng 'resibo' nililigawang gerlalu na may ka-live in pala!