Pinatayuan ng isang memorial statue ang Taiwanese actress na si Barbie Hsu, sa kaniyang first death anniversary, bilang patuloy na pagkilala sa mga alaala niya.
Base sa mga ulat ng international media, ang memorial statue ay itinayo malapit sa himlayan ng aktres sa Chin Pao San cemetery sa New Taipei, Taiwan noong Lunes, Pebrero 2.
Opisyal itong ipinakita sa publiko ng biyudo niyang si Koo Jun-yup at kaniyang ina.
Ayon kay Koo, bukod sa pag-alala kay Barbie, ang memorial statue ay sumisimbolo rin sa walang hanggang pagmamahal ng kanilang pamilya para sa aktres.
Ang nasabing komemorasyon sa 1st death anniversary ni Barbie ay dinaluhan ng Meteor Garden F4 members na sina Jerry Yan at Vic Chou; Taiwanese singer, Rainie Yang; Choi Si-won ng South Korean boy group na Super Junior; Taiwanese TV producer Wang Wei-chung at asawa nito; at TV hosts, Kevin Tsai at Matilda Tao.
Matatandaang pumanaw si Barbie noong Pebrero 2025 dahil sa komplikasyon dulot ng influenza.
Kinumpirma ito ng nakababata niyang kapatid at Taiwanese host na si Dee Hsu sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag sa media.
MAKI-BALITA: Barbie Hsu ng 'Meteor Garden' pumanaw na
Sean Antonio/BALITA