Tila hindi umano nakitaan ng “remorse” ang asawa ni Senior M/Sgt. Diane Marie Mollenido na si John Mollenido sa kabila ng pagkamatay ng misis at anak nitong si John Ysmael ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Asawa ng policewoman at tatay ng 8-anyos na batang natagpuang patay, inaresto na ng pulisya!
Ani Remulla sa isinagawa nilang press conference sa Camp Crame nitong Martes, Pebrero 3, 2026, sinabi niyang tatlong taon na raw na hiwalay sina John at napaslang nitong misis na si Diane.
“Ang asawa ni Diane na si John Mollenido. Si John Mollenido po at si Diane ay hiwalay na ng tatlong taon,” pagsisimula niya.
Pagpapatuloy ni Remulla, agad daw na pina-cremate ni John ang mga labi ng kaniyang anak at asawa nang malaman nito ang nangyari at hindi man lang daw isinailalim sa autopsy.
“Ngunit no’ng nalaman [ni John] nong namatay ang kaniyang asawa, imbis na i-subject sa autopsy ay pina-cremate kaagad kasama suot na damit,” pagkukuwento niya.
Tila hindi rin daw umiyak at hindi nakitaan ng lungkot si John tungkol sa naging pagpaslang sa kina Diane at Ysmael.
“No’ng tinatanong ‘yong John kung ano ang involvement niya, wala siyang remorse,” aniya.
Dagdag pa niya, “Hindi umiiyak, hindi malungkot. Asawa’t anak ang pinatay.”
Ayon kay Remulla, nagsampa raw ng kasong carnapping si John sa mga suspek na sina Pia Katrina Panganiban at asawa nitong si Christian Suarez Panganiban.
“Ngunit marami pang development ito. Kinasuhan ng asawa [ni Diane] si Pia at si Christian ng carnapping dahil nasa kaniyang pangalan ang kotse pero binenta, nawala sa kaniya,” pagtatapos niya.
Samantala, sa parehong press conference, sinabi rin ni Remulla na tila nadamay lang sa krimen at pamamaslang ang anak nitong si John Ysmael dahil nagkataong kasama ito ni Diane patungo sana sa transaksyon nila sa mga suspek na sina Pia at Christian.
MAKI-BALITA: Anak ng pinatay na policewoman nadawit lang; mga suspek, inaanak sa kasal ng biktima!
Ani Remulla, tila raw nakaplano na talagang patayin ng mga nasabing suspek si Diane at nadawit din sa krimen ang anak nito.
Inanunsyo sa publiko ni Remulla na “case-closed” na ang nasabing krimen sa pamamaslang kina Diane at anak nitong si John Ysmael at tiniyak niyang masasampahan ng kaso ang mga nasabing suspek.
Mc Vincent Mirabuna/Balita