Pinayuhan ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na kailangan na umano nitong ipaubaya sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon tungkol mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Trillanes, sa isang panayam sa kaniya noong Lunes, Pebro 2, 2026, sinabi niyang medyo “nag-backfire” din daw sa imahe ni PBBM ang pagsisiwalat at pagpapasimula ng imbestigasyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“I believe it was a wrong strategy,” simula niya, “It backfired for sure.”
Giit naman niya, “Pero doon mo makikita na he had the good intentions when he exposed it.”
Ani Trillanes, nakita naman daw niyang gusto talagang ayusin ni PBBM ang sistema sa bansa upang mahinto ang umano’y nakawan sa pondo ng bayan ngunit kailangan na raw nitong magbago ng estratehiya at ipagkatiwala na sa Office of the Ombudsman ang naturang imbestigasyon.
“Talagang gusto niya lang ayusin ‘yong sistema para mahinto na ‘yong nakawan na ‘yan pero iba nga ang naging tanggap sa publiko, unfortunately for him, kaya siguro kailangan na rin niya talagang magbago ng estratehiya,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ituloy pa rin ‘yong reporma na ‘yan pero ipaubaya na ‘yong mga imbestigasyon sa Ombudsman.”
Pagpapatuloy ni Trillanes, dapat din daw na bigyang-pansin ang umano mga mas mabibigat na kasalanan mga Duterte.
“Tapos kailangang bigyan na ng liwanag at bigyan na ng focus ‘yong mga kasalanan no’ng mga Duterte na ‘di hamak na mas mabibigat,” diin niya.
“Kasi kung nakawan lang, bilyon-bilyon ito. Sila Bong Go, si [Vice President] Sara, si Digong, bilyon-bilyon ang ninakaw. ‘Di ba? Tapos si Pulong involve pa sa illegal drugs… lahat itong mga ito pero natabunan dahil dito sa mga imbestigasyon na ito,” paliwanag pa ng dating senador.
Ayon pa kay Trillanes, dapat daw na ibalik ang atensyon ng publiko sa mga natabunan ng flood control anomalies.
“Importante ‘yan pero nagawa na natin ‘yan [in] the past six months. Ibalik na natin doon sa focus doon sa mga nabibigyan na ng linaw noong panahon ng quad comm kaso natabunan muli,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang Pangulo kaugnay rito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita