May mga taon sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi lamang dumaan—kundi tumatak, umalingawngaw, at patuloy na binabalikan. Mula sa sigalot sa teritoryo hanggang sa digmaan, trahedya, at usapin ng karapatang pantao, ang mga balitang ito ang humubog sa pambansang kamalayan ng sambayanang Pilipino.
Sa gitna ng mga pangyayaring ito, mahalagang papel ang ginampanan ng media, partikular ng Balita at Manila Bulletin, bilang tagapaghatid ng impormasyon at tagapag-ingat ng katotohanan. Sa pamamagitan ng maagap, malinaw, at responsableng pagbabalita, tinulungan ng dalawang pahayagan ang publiko na maunawaan ang mga isyung bumabalot sa bansa. Hindi lamang nila inilalahad ang mga pangyayari, kundi binibigyang-konteksto rin ang mga ito upang magsilbing gabay sa paghubog ng opinyon at pananaw ng mamamayan.
Mga Taong Yumanig sa Bayan: Malalaking Balitang Umalog sa Pilipinas (2005–2018)
Setyembre 2005 - IMPEACHMENT IBINASURA NA!
Impeachment complaint vs. PGMA, ibinasura
Nag-ugat sa “Hello Garci” scandal ang tangkang impeachment laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2005.
Ngunit noong Setyembre ng parehong taon, ibinasura ng Mababang Kapulungan ng Kamara ang tatlong impeachment complaint laban sa dating pangulo.
158 na kongresista ang pumabor sa nasabing desisyon habang 51 ang kumontra at anim ang hindi bumoto.
Oktubre 2006 - COUP NABUKO
Bigong kudeta kontra PGMA
Isang kudeta na naman ang tinangkang ikasa noong Pebrero 2026 dahil sa kaliwa’t kanang anomalya at iskandalo na nauugnay sa administrasyon ni dating Pangulong Arroyo.
Kaya naman napilitan ang dating pangulo na isailalim sa state of emergency ang buong Pilipinas sa bisa ng Proclamation No. 1017.
Ito ang pangatlong beses na nagdeklara si Arroyo ng state of emergency mula noong 2001 dahil sa tangkang pagpapabagsak sa kaniyang administrasyon.
Setyembre 2007 - ERAP, HAHATULAN NGAYON!
Erap, hinatulang guilty sa kasong plunder
Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada noong Setyembre 12, 2007 matapos mapatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala siya sa kasong plunder.
Ngunit pinalaya siya kalaunan ni dating Pangulong Arroyo, dahilan kung bakit naibalik ang politikal at sibil na karapatan ni Estrada.
Mayo 2008 - KAMBAL NA BAGYO
Pagpasok sa bansa ng kambal na bagyo
Hindi pa man tapos ang pananalanta ni Cosme noong kasagsagan ng Mayo 17, 2008, naging ganap na bagyo na rin ang binabantayang sama ng panahon sa Batanes. Pinangalanan ito bilang Dindo.
Kapuwa nagdulot ang dalawang bagyo ng matinding pag-ulan sa bahagi ng Luzon at Visayas ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Setyembre 2009 – ONDOY, NANALANTA
Pananalanta ng Bagyong Ondoy
Sinalanta ng Bagyong Ondoy ang ilang bahagi ng Luzon noong Setyembre 26, 2009 na nagdulot ng matinding pagbaha sa mga lungsod ng Metro Manila at mga karatig-lugar nito.
Tinatayang pumalo sa 200,000 ang nasirang kabahayan, at 464 ang naitalang nasawi sa hagupit ng nasabing bagyo.
Agosto 2010 – 'RP IWASAN'
Manila Hostage Crisis
Ilang buwan pa lang ang nakalilipas simula nang manumpa si Benigno “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 Pangulo ng Republika ng Pilipinas, humarap agad siya sa matinding krisis.
Isang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si Rolando Mendoza ang nang-hostage ng mga turistang mula sa Hong Kong. Walo sa mga ito ang nasawi kabilang na ang hostage-taker.
Nobyembre 2011 - DAPAT LANG
Pag-aresto kay Arroyo
Inisyuhan ng arrest warrant si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Nobyembre 2011. Ito ay gitna ng laban niya kung papayagan ba siyang lumipad palabas ng Pilipinas.
Nakaugat ang pag-aresto kay Arroyo dahil sa umano’y pandarambong at pandaraya sa halalan.
Abril 2012 – MOVE ON
Ang impeachment kay dating Chief Justice Renato Corona
Ang impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 ay nag-ugat sa mga alegasyon ng hindi tamang pagdedeklara ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), pati na rin ang umano’y pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Matapos ang paglilitis sa Senado na tumagal ng ilang buwan at sinubaybayan ng buong bansa, napatunayang nagkasala si Corona sa kasong culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Dahil dito, siya ay napatalsik sa puwesto noong Mayo 29, 2012, na naging kauna-unahang pagkakataon na na-impeach at napatalsik ang isang punong mahistrado sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nobyembre 2013 – ISLA SA ISLA
Super Typhoon Yolanda
Noong Nobyembre 8, 2013, nanalasa ang Super Typhoon Yolanda (Haiyan), ang itinuturing na isa sa pinakamalalakas na bagyong tumama hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo. Libo-libong Pilipino ang nasawi at winasak ang malalaking bahagi ng Leyte at Samar. Nagbukas ang trahedya ng pambansang diskusyon hinggil sa kahandaan sa sakuna at epekto ng climate change.
Agosto 2014 – NASAAN ANG PRUWEBA?
PDAF Scam at mga Rebelasyon
Noong Agosto 2014, muling umugong ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam matapos ang paglabas ng karagdagang testimonya at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot, kabilang ang mga mambabatas at si Janet Lim-Napoles. Naging simbolo ito ng galit ng publiko laban sa sistematikong katiwalian sa pamahalaan.
Enero 2015 – DISMAYADO
Mamasapano Clash
Noong Enero 25, 2015, nasawi ang 44 na miyembro ng Philippine National Police(PNP)-Special Action Force sa isang engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao. Nagdulot ang insidente ng pambansang pagluluksa at malalim na krisis sa tiwala sa pamahalaan at sa peace process sa Mindanao.
Mayo 2016 – PUGAY KAMAY
Pagkakahalal kay Rodrigo Duterte
Noong Mayo 9, 2016, nahalal si Rodrigo Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas. Nagmarka ang panalo niya ng malaking pagbabago sa pulitika ng bansa, dala ang agresibong kampanya laban sa ilegal na droga at krimen na umani ng malawak na suporta at matinding batikos.
Mayo 2017 – COMBAT ZONE
Marawi Siege
Noong Mayo 23, 2017, sinalakay ng Maute Group at Abu Sayyaf ang lungsod ng Marawi, na nagbunsod ng limang buwang digmaan sa lungsod. Libo-libong residente ang napilitang lumikas, at halos nawasak ang sentro ng lungsod. Naglantad ang Marawi Siege ng banta ng ekstremismo sa bansa.
Pebrero 2018 – 'LALABAS ANG KATOTOHANAN'
Pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima
Noong Pebrero 24, 2017 nagsimula ang pagkakakulong ni dating Sen. Leila de Lima, ngunit Pebrero 2018 ang panahon kung kailan naging sentro ito ng mas malawak na lokal at internasyonal na diskusyon hinggil sa due process at karapatang pantao, kasabay ng pag-usad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ang mga pangyayaring ito—na naganap sa iba’t ibang buwan at taon—ay nagpapaalala na ang kasaysayan ay binubuo ng mga sandaling humahamon sa pagkatao ng isang bansa. Sa bawat krisis at kontrobersiya, patuloy na hinuhubog ang pagkakakilanlan at paninindigan ng sambayanang Pilipino.
---
Mga May-Akda: Ralph Vincent Mendoza, Kate Patricia Garcia