Ni Dindo Balares
Isa ako sa napakaraming kabataang writers na natupad ang pangarap sa Manila Bulletin at sa marami nitong sister publications.
Sa 2249 Pasong Tamo, Makati City pa ang editorial office at imprenta ng Liwayway noong 1989 —nakahiwalay sa opisina ng Manila Bulletin sa Intramuros—nang matupad ang matagal kong pinangarap na makita ang byline ko sa numero unong literary magazine sa Pilipinas.
Simple at inosenteng pangarap. Pero ayaw kong mabigo, kaya pinaghandaan ko iyon ng Development Communication course sa Ateneo de Naga.
Iniaplay ko sa sarili ang nabasa ko noong bata pa ako, na kung may isang oras ka para ibuwal ang isang puno, ilaan mo sa paghahasa ng palakol ang 40 minuto. Bukod sa masugid na pagbabasa, apat na taon kong hinasa ang aking panulat sa DevComm —na diploma sa Literature ang inabot ko sa stage noong graduation, mahabang kuwento kung bakit—pero marami pa rin ang nagsabing tsamba nang lumabas ang una kong maikling kuwento.
Ganito na maging noong unang panahon at wala pang social media, may bashers na. Pero hindi mo sila dapat pansinin, or else matutulad ka sa kanila, sira ang diskarte, nasa paghila ng kapwa pababa ang kasiyahan, bigo sa buhay.
Ang plano ko noong una bago lumuwas sa Big City, 'pag natupad na, agad akong babalik sa pagtatanim sa Bicol. Palibhasa promdi, hindi ko naisip na portal din pala ang Liwayway para makapasok ka sa media industry.
'Di pa man nalalathala ang una kong maikling kuwento na nabasa at pumasa kay Rod S. Salandanan (RSS), ang editor-in-chief noon, inalok na niya ako ng trabaho sa Liwayway.
Ang maituturing na tsamba ay ang pagkakapasok ko sa isang publication na pamilya ang corporate culture. Dahil bagong pasok at pinakabata sa editorial, tinawag nila akong bunso at binigyan ng sapat na espasyo upang lalo pang mahasa sa office works, creativity, at pinalawak ang ginagalawang mundo. Nagbukas ng bagong magazine ang kompanya na ako ang pinaupong editor-in-chief, kasabay ng puwesto ko bilang entertainment editor ng Liwayway, Balita, at Balita Sa Hapon.
Ito'y sa kabila ng aking pagiging unyonista—dahil inihalal ako ng mga katrabaho bilang vice president ng unyon.
Si RSS at si Ka Celo Lagmay na editor-in-chief naman ng Balita ang nagkutsabahan na maipadala ako sa Nihon Shimbun Kyokai Fellowship ng ASEAN journalists. Una kong labas sa Pilipinas, at literal akong umiyak sa sobrang awa sa Pilipinas nang makita kung gaano kaunlad ang Japan. Napakarami pang mga biyahe at exposure sa iba't ibang dako ng Pilipinas at mundo na hindi ko mararating kung hindi ako nagtrabaho sa Liwayway, Balita, at Manila Bulletin.
Nang ilipat ang Liwayway at Balita sa Manila Bulletin, direkta kong naranasan na walang duda, pamilya ngang talaga ang turing sa akin ng management.
Ipinatatanggal ako sa trabaho ng isang big star, na na-offend sa report na sinulat ko. Ang kondisyon: siya ang aalis—dahil nagsusulat ito sa Manila Bulletin noon—o ako ang tatanggalin.
Handa na akong umalis, pero ang sabi ni Boss Emil Yap, "Teka, bakit ka tatanggalin, kailan ka na ba pumalpak sa mga trabaho mo dito sa amin?"
Tumanggap ako ng napakaraming awards sa pagsusulat at sa trabaho ko bilang editor—at may lifetime achievement pa nga—pero ang tiwala ng isa sa mga may-ari ng kompanya ang pinakamataas kong karangalan.
Nalibang at genuine ang happiness ko sa trabaho sa Manila Bulletin, buong professional life ko sa mga Yap lang ako naglingkod, pero may gusto akong gawin sa bundok. Kaya noong 2018, nag-retire ako sa edad 50.
Sa ngayon, bukod sa Japanese sweet potato at iba pang root crops na aking itinatanim, gumagawa rin ako ng flower forest. Pinangarap ko ang flower forest nang ipadala ako ng kompanya sa Japan. Ilang tumbling na lang puwede nang pasyalan.
Tumanda lang, pero mahilig pa ring mangarap. Nag-bloom pa itong lalo sa Manila Bulletin. Never itong nalanta sa mapag-alagang corporate culture. Tulad ng root crops, para rin sa lahat na may iniindang karamdaman lalo na ang mental health at naghahanap ng payapang lugar ang flower forest.
Maraming natutupad na pangarap sa Big City. Magsisilbing pasasalamat ko sa Manila Bulletin, Liwayway, at Balita, at sa aming mga mababasa ang mga produkto ko sa pagtatanim — lalo na ang flower forest.