February 03, 2026

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

Viral Antipolo Rider na natulungan ng Balita para sa kaniyang fur babies

Viral Antipolo Rider na natulungan ng Balita para sa kaniyang fur babies
Photo courtesy: Jeremiah Mendoza

“Maraming salamat, nabago ninyo ang buhay ko.”

Ito ang muling sambit ng Antipolo food delivery driver at fur dad na si Jeremiah Mendoza nang kumustahin siya ng Balita, halos anim na buwan matapos ang pag-viral ng kaniyang kuwento at social media post noong Hulyo 2025. 

Sa nasabing viral post ni Jeremiah sa isang Facebook group, mababasang naghahanap siya ng iba’t ibang raket at serbisyo kapalit ng pera, dry cat food, o cat litter, bilang bayad, para sa bagong rescue na alagang pusa.

“Hi! I'm Jeremiah, naghahanap ng pagkakakitaan! I accept cash, dry cat food, and cat litter sand as payment. I recently rescued a kitten sa ilalim ng tulay sa Antipolo at siya ang nagpapasaya sa buhay ko recently. I need all the catfood and cat litter sand that I can get,” saad ni Jeremiah sa post niya. 

Kahayupan (Pets)

#BalitaExclusives: Joseph Marco, hinangaan dahil sa pagpapakain ng stray cat

Ibinahagi rin niya sa post na isa rin sa motibasyon sa pagpasok niya sa mga raket ay ang muli niyang pagbangon sa buhay. 

“I am [26, male]. I am a former professional. I lost everything. Ngayon, isa akong Foodpanda rider. I am currently rebuilding myself and I am barely getting by,” pagpapakilala ni Jeremiah. 

Kinaantigan ng netizens ang kaniyang kuwento, may ilan na nagpaabot ng kanilang tips para mas maalagaan niya ang kaniyang rescued kitten. 

Panayam ng BALITA kay Jeremiah noong Agosto 2025

Nang makipag-ugnayan ang Balita kay Jeremiah upang maitampok ang kaniyang nakaaantig na kuwento. Nagpaunlak siya ng panayam at malugod niyang ibinahagi na dahil mas marami ang nakaalam ng kaniyang kuwento matapos umabot sa higit 10,000 reactions at 268 comments ang feature article ng Balita sa kaniya, gabundok ang mga donasyon niyang natanggap. 

“You've changed my life! People donated cat foods and litter! I now have a total of 5 bags of litter sand, 7 pouches of wet dry food, 5kg of dry cat food, some of which tinabi ko to feed strays. I am very thankful!” ani Jeremiah sa naging eksklusibong panayam sa kaniya ng Balita noong Agosto 2025. 

“Dahil po sa inyo, makakatulog po sila ng mahimbing knowing may kakainin sila paggising nila. Maraming maraming salamat po!” aniya pa.  

Kumustahan kay Jeremiah noong Enero 2026

Limang buwan matapos ang mga nagdaang viral posts at panayam, ibinahagi ni Jeremiah na kasalukuyan na siyang naghihintay sa start date ng bago niyang trabaho sa isang Business Process Outsourcing (BPO) company. 

Ibinahagi rin niya na simula noong Agosto, bagama’t pinagsaluhan ng iba pa niyang kasamang mga pusa ang mga donated na pagkain at cat litter, hindi pa rin naubos ang mga na-donate dahil marami ito. 

Bukod sa rescued kitten, may dalawa pang alagang pusa si Jeremiah, na sina Orange at Meowers, na rin ayon rin sa kaniya, bandang 2021 niya inampon mula sa kaibigan niya. 

Taong 2024, nadagdag ang nag-viral niyang rescued kitten, na nadaanan niya sa gilid ng tulay, na si Mini Gray. 

“Noong nakita ko siya [pusa], may feeling ako, ‘ah kailangan ako nito.’ Na-feel ko no’n kaya kami pinagtagpo, may dahilan. Na-feel ko ‘yon, malakas,” saad ni Jeremiah. 

Saad pa niya, dahil malinis ang balahibo ni Mini Gray nang mahawakan niya ito, pakiramdam niya ay sinadya itong iwan sa gilid ng tulay. 

“Pagkakuha ko sa kaniya, nilagay ko siya sa floorboard ng motor, tapos, hindi siya tumalon. Mabagal lang ako, nanonood lang siya sa kalsada. Nakaupo siya, hindi siya takot. Naisip ko, ‘sanay ‘to sa motor ah,” saad ni Jeremiah. 

Noong una pa nga raw, ayaw pa nitong kumain, kahit bigyan ng kanin, kaya kuwento ni Jeremiah, sinubukan niya itong pira-piraso ng baboy galing sa karinderya. 

Matapos raw ang ilang araw, naglalakad-lakad na si Mini Gray, at hindi katulad ng karaniwang pusa, tahimik lang daw ito kahit pinaliliguan at hindi takot sa tubig. 

“So, ayon, napaliguan ko siya, tapos na-picturan ko siya. Sabi ko, ‘hayaan mo, gagawan ko ng paraan para mabuhay kita.’ Ayon, nag-post ako online,” saad ni Jeremiah hinggil sa litrato ng viral post niya. 

Hindi raw niya inaasahan na maraming magiging engagements ito online, mas lalo na raw noong na-feature ito ng Balita. 

“No’ng nag-post ako, surprisingly, nag-blow up siya [post]. Talagang nag-viral. Siguro in a viral scale, 1 to 100, [with] 100 being today, siguro ‘yong viral rate no’ng post ko, 20% noong pinost ko. Tapos no’ng pinost ninyo, doon na nag-100%. So, laking pasasalamat ko na na-feature n’yo kami,” saad ni Jeremiah. 

Aniya pa, bagama’t nagdaan sa iba’t ibang pagsubok, naging emotional support niya ang kaniyang fur babies. 

Hinggil naman sa naging epekto ng social media sa kanila ng kaniyang fur babies, ikinuwento ni Jeremiah na “life changing” ang naidulot sa kanila dahil sa pagdagsa ng mga tumulong at kumausap sa kanila. 

Isa sa mga halimbawa ng pangyayaring ito ay noong sinubukan niyang magbenta ng ilang piyesa ng motor online, na noong una raw ay walang engagement, ngunit noong sinubukan niyang banggitin na na-feature sila ng fur babies niya bilang proof na hindi scam ang pagbebenta niya, nakaani ito ng engagement. 

Future plans 

Nang tanungin tungkol sa kaniyang mga plano sa hinaharap, ibinahagi ni Jeremiah na looking forward siya matanggap sa inaaplyan na trabaho at kalauna’y mag-enroll sa gym para sa mas disiplinado at malusog na pangangatawan. 

“‘Yong inaabangan ko talaga ‘yong matanggap ako sa work. Once makapag-start ako, tingin ko, kayang-kaya ko na ayusin buhay ko, talaga. Tapos, balak ko mag-enroll sa gym para magkaroon ako ng disiplina. Ngayon nga, in fact, dinidisplina ko na sarili ko by maintaining a diet. Naka-calorie deficit ako ngayon,” masayang saad ni Jeremiah. 

Para naman sa kaniyang fur babies, balak niyang bilhan sila ng malaking playground para malagay sa garahe, at makatakbo-takbo ang mga ito sa mas malaking espasyo, at maiwas sa paglabas sa kalsada. 

“Ngayon kasi sa bahay, may kuwarto sila. Mayroon silang litter box, pagkain, tubig, nakakagala sila doon sa loob. Ang balak ko nga sana, bilhan sila ng panggaraheng cage, ‘yong may lebel-lebel, ‘yong may duyan… Para kasama ko sila sa garahe,” ani Jeremiah. 

Nang matanong naman kung may mga regular siyang nakausap mula sa nag-donate sa kaniya, partikular sa pet shops,  ikinuwento ni Jeremiah na pinaka tumatak sa kaniya ay ang “6AL Pet Supplies” na ipinadala na rin niya sa Balita noong Agosto, at nakilala niya dahil sa donasyon. 

Sa pagtatapos ng panayam, nagbigay ng mensahe si Jeremiah sa mga nag-donate sa kaniya. 

“Maraming-maraming salamat po sa Balita, sa Manila Bulletin, at sa mga nag-donate sa akin, especially kay, ‘Animal Pet Supplies.’ Ako ay very grateful sa mga nag-donate at naniwala sa akin,” pasasalamat ni Jeremiah. 

“Just the emotional support, super big deal na sa akin ‘yon. Maraming salamat, nabago niyo buhay ko,” dagdag pa niya. 

Sanggunian:

MAKI-BALITA: Rider sa Antipolo, iba’t ibang raket pinasok para sa mga alagang pusa 

MAKI-BALITA: KILALANIN: Rider sa Antipolo na may iba't ibang raket para sa mga alagang pusa

---

May-Akda: Sean Antonio