Usap-usapan na naman ng mga netizen ang naging hirit ni Unkabogable Star Vice Ganda sa noontime show na "It's Showtime" matapos niyang magpakawala ng biro, tungkol sa magiging introduction daw niya kung sakaling sasali siya sa isang gay pageant.
Sa "Laro Laro Pick" segment ng noontime show, nagpakawala ng biro si Vice Ganda kung sakali raw na sasali siya sa pageant.
Nang tanungin kung ano ang magiging intro niya sakaling rumampa sa entablado, agad itong sinagot ni Vice sa paraang kaniya lamang:
“Magandang tanghali sa inyong lahat. Ako po si Maria Christina Minalasmalas. Ang babaeng walang ka-buwenas-buwenas.”
Agad namang sinundan ito ng mas matalim na punchline na umani ng tawanan at hiyawan mula sa audience.
Sa kaniyang hirit, pabirong sinabi ni Vice na siya raw ay nagmumula sa isang bansa kung saan parehong na-impeach ang presidente at bise-presidente.
"Gustong-gusto namin sumasali ng beauty pageant. Ako, kunwari wala akong gagawin… Sasali ako Miss Gay talaga," ani Vice Ganda.
"Paano intro mo?" tanong sa kaniya ng co-host na si Jhong Hilario.
"Magandang tanghali sa inyong lahat. Ako po si Maria Christina Minalasmalas. Ang babaeng walang ka-buwenas-buwenas."
"Mula sa nag-iisang bansa na nakaranas na ang Presidente at Bise-Presidente [ay] ini-impeach parehas. Ang angas, Pilipinas!" aniya pa.
Matatandaang parehong hinainan ng impeachment complaints sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte.
Matatandaang noong Lunes, Pebrero 2, 2026, nang kapuwa ideklara ang impeachment complaints laban kay PBBM.
Noong Enero 19 nang unang ihain ang kauna-unahang impeachment laban kay PBBM sa pangunguna ni Pusong Pinoy Partylist Rep. Jett Nisay.
Matapos naman ang dalawang attempt na maisumite sa House Secretary General, ay matagumpay na naihain ng Makabayan Bloc ang ikalawa at huling impeachment laban kay PBBM.
Matatandaang ito ang ikalawang pagkakataon na inihain ng Makabayan Bloc ang ikalawang impeachment complaint laban kay PBBM matapos hindi opisyal na tanggapin ng House Secretary General ang kanilang mga dokumento noong Enero 22.
Nakatakda naman ang botohan sa "sufficiency in substance" sa Miyerkules, Pebrero 4.
Kaugnay na Balita: Botohan para sa 'sufficiency in substance' ng impeachment vs PBBM, itinakda sa Peb 4!
Nitong Lunes, Pebrero 2, inihain naman ang impeachment complaint laban kay VP Sara, sa inisyatibo ng Makabayan Bloc.
Kaugnay na Balita: 'No surprise!' Kampo ni VP Sara, nakahanda sa mga bagong impeachment complaints