Labis ang pasasalamat ng aktres na si Angel Locsin matapos umani ng sapat na boto ang kaniyang stepson at Kapamilya housemate na si Joaquin Arce, upang maipagpatuloy nito ang kaniyang journey sa Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition 2.0.
Sa isang social media post, ibinunyag ni Angel na siya ay ninerbiyos matapos ma-nominate si Joaquin.
“Maraming salamat po sa lahat ng bumoto kay Joaquin... yung nerbyos ko talaga…,” saad ni Angel sa kaniyang post.
Pag-amin pa niya, halo-halong emosyon daw talaga ang madarama sa tuwing magkakaroon ng eviction sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Mixed emotions talaga kapag may na-e-evict kasi magkakaibigan sila sa loob. Mahigpit na [y]akap kay Sofia & Eliza...Capcap, tahan na,” aniya pa.
Matatandaang si Kapuso housemate Sofia Pablo (8.46%) at Kapamilya housemate Eliza Borromeo (20.97%) ang latest evictee ng ikalawang edisyon ng PBB Celebrity Collab Edition, matapos makuha ang pinakamababang boto sa ginanap na “votes to save.”
Nakaligtas naman sina Joaquin Arce (45.70%), Carmelle Collado (33.33%), Caprice Cayetano (51.62%), at Heath Jornales (39.92%) mula sa nominasyon.
Gayumpaman, matagal nang nasa social media at showbiz hiatus si Angel, kung kaya’t palaisipan pa rin sa netizens kung siya nga ba talaga ang nagpopost gamit ang kaniyang verified account.
Ito ay dahil madalas na ang ama ni Joaquin na si Neil Arce ang nakikita sa PBB, kung kaya’t excited ang netizens kung magpapakita nga ba ang aktres sa “Big Night” ng PBB, kung sakaling makapasok si Joaquin sa Big 4 ng kompetisyon.
Vincent Gutierrez/BALITA