February 01, 2026

Home BALITA National

Uulit pa ba? Taiwan minister, naurirat kung muling sasakay sa MRT

Uulit pa ba? Taiwan minister, naurirat kung muling sasakay sa MRT
Photo courtesy: Taiwan in the Philippines (FB)

Natanong si Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO) Deputy Representative Minister Michael Lee kung sasakay siyang muli sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos niyang maranasan ito noong Sabado, Enero 31.

Ibinahagi sa opisyal na Facebook page ng "Taiwan in the Philippines" ang mga larawan ni Lee habang nasa MRT-3.

Mula sa Araneta–Cubao Station sa Quezon City, personal niyang naranasan ang pagpila, pag-tap ng Beep card, at ang aktuwal na daloy ng mga pasahero sa estasyon.

Ayon sa Taiwan Minister, agad niyang napansin ang disenyo ng estasyon at ang kabuuang imprastruktura ng MRT.

National

‘Pleasant talk!’ FL Liza, nakadaupang-palad si Chinese Ambassador Jing Quan

Sinuri din niya ang bilis ng takbo ng tren, ang malinaw na anunsyo at nakapaskil na travel times, pati na ang kalinisan ng mga bagon.

Kapansin-pansin din para sa kaniya ang disiplina at paraan ng pagsakay at pagbaba ng mga Pilipinong pasahero, lalo na sa gitna ng dagsa ng tao tuwing rush hour.

"He noted the speed, posted travel times, cleanliness of the train cars, and how Filipino passengers board and alight. The trip took only 20 minutes, a clear contrast to road travel during peak traffic," mababasa sa post.

Tinayang 20 minuto lamang ang inabot ng biyahe mula Araneta–Cubao hanggang Ayala Station, isang malinaw raw na kaibahan kumpara sa biyahe sa kalsada na madalas tumatagal ng higit isang oras dahil sa matinding trapiko.

Para kay Lee, malinaw na ipinapakita nito ang mahalagang papel ng mass transport systems sa mga lungsod na may mataas na densidad ng populasyon.

Pagdating sa Ayala Station, inilarawan ng ministro ang kaniyang unang MRT ride bilang “maayos at positibo,” at sinabing nakatulong ito upang mas maunawaan niya ang pang-araw-araw na hamon at karanasan ng mga commuter sa Pilipinas, gayundin ang realidad ng urban public transport sa bansa.

"Upon alighting at Ayala Station, Minister Lee described the ride as smooth and positive, offering valuable insight into the daily commute of Filipino riders and the realities of urban public transport," mababasa pa rito.

Natanong din ang ministro kung uulit pa ba siya sa pagsakay sa MRT.

"When asked if he would ride the MRT again, his answer was simple: Absolutely!" saad daw ni Lee.

Kaugnay na Balita: Taiwan minister first time sumakay sa MRT ng Pilipinas, ibinahagi mga napansin!