Sumakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO) Deputy Representative Minister Michael Lee sa kasagsagan ng rush hour sa Metro Manila, matapos dumalo sa isang pribadong screening ng pelikulang Hope for the Dawn to Come.
Batay sa post na makikita sa "Taiwan in the Philippines" Facebook page, minabuti raw ng opisyal na maranasan mismo ang pang-araw-araw na biyahe ng karaniwang Pilipinong commuter.
Mula sa Araneta–Cubao Station sa Quezon City, personal niyang naranasan ang pagpila, pag-tap ng Beep card, at ang aktuwal na daloy ng mga pasahero sa estasyon.
Ayon sa Taiwan Minister, agad niyang napansin ang disenyo ng estasyon at ang kabuuang imprastruktura ng MRT.
Sinuri din niya ang bilis ng takbo ng tren, ang malinaw na anunsyo at nakapaskil na travel times, pati na ang kalinisan ng mga bagon.
Kapansin-pansin din para sa kaniya ang disiplina at paraan ng pagsakay at pagbaba ng mga Pilipinong pasahero, lalo na sa gitna ng dagsa ng tao tuwing rush hour.
"He noted the speed, posted travel times, cleanliness of the train cars, and how Filipino passengers board and alight. The trip took only 20 minutes, a clear contrast to road travel during peak traffic," mababasa sa post.
Tinayang 20 minuto lamang ang inabot ng biyahe mula Araneta–Cubao hanggang Ayala Station, isang malinaw raw na kaibahan kumpara sa biyahe sa kalsada na madalas tumatagal ng higit isang oras dahil sa matinding trapiko.
Para kay Lee, malinaw na ipinapakita nito ang mahalagang papel ng mass transport systems sa mga lungsod na may mataas na densidad ng populasyon.
Pagdating sa Ayala Station, inilarawan ng ministro ang kaniyang unang MRT ride bilang “maayos at positibo,” at sinabing nakatulong ito upang mas maunawaan niya ang pang-araw-araw na hamon at karanasan ng mga commuter sa Pilipinas, gayundin ang realidad ng urban public transport sa bansa.
"Upon alighting at Ayala Station, Minister Lee described the ride as smooth and positive, offering valuable insight into the daily commute of Filipino riders and the realities of urban public transport," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Wow … heartwarming to see you take the train Minister Lin."
"If nanggaling ka sa first world country na merong good governance at efficient transportation system, this is just a bare minimum. Sa ating mga Pilipino lang naman madalas luxury ang mga ganitong situation dahil deprived tayo."
"Way to go, Philippines!"
"Thank you Mr. Minister!"
Nang tanungin kung muli pa ba siyang sasakay sa MRT, simple at diretso ang kaniyang sagot: “Absolutely.”