February 01, 2026

Home BALITA Politics

'Nakakatawa!' Palasyo, sinagot alegasyong sila nasa likod ng 5 buwang pagtigil ni Rep. Leviste sa abroad

'Nakakatawa!' Palasyo, sinagot alegasyong sila nasa likod ng 5 buwang pagtigil ni Rep. Leviste sa abroad

Pinalagan ng Malacañang ang pahayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na umano’y hiniling ng Marcos administration na magtungo siya sa ibang bansa upang patahimikin siya kaugnay ng isyu ng flood control anomalies.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, walang basehan ang mga paratang ni Leviste at hindi ito bibigyang pansin ng Palasyo.

Sinabi ni Castro na hindi magsasayang ng oras ang Malacañang sa mga tinawag niyang “senseless” na pahayag, at iginiit na abala ang Pangulo sa mas mahahalagang usapin ng bayan.

“Ngayon ay abala ang Pangulo at ang administrasyong ito sa mas mahahalagang issue ng bayan. Tutok si Pangulong Marcos Jr. para iangat ang ekonomiya ng bansa,” ani Castro sa isang text message sa mga mamamahayag nitong Sabado, Enero 31.

Politics

Pagpunta ni Rep. Leviste sa abroad, nais daw gamitin ng admin para mapatahimik siya sa ‘corruption issue’

Dagdag pa ni Castro, “Hindi namin binibigyang halaga ang mga pahayag na walang kabuluhan... walang kwenta. Nakakatawa. Sayang lang ang oras.”

Sa isang pahayag, sinabi ni Leviste na humiling siya ng limang buwang travel authority matapos umano siyang kausapin ng mga “representatives of the administration” na magtungo sa ibang bansa at itigil ang paglalabas ng ebidensiyang nag-uugnay sa ilang opisyal ng pamahalaan sa malawakang anomalya sa flood control projects.

“I asked for the travel authority upon the request of representatives of the administration who asked that I go abroad and stop releasing evidence linking government officials to anomalous DPWH projects— but this does not mean that I will be abroad for that whole time,” pahayag ni Leviste sa isan panayam sa isang local news outlet.

“The request that I go abroad and stop releasing evidence linking government officials to DPWH projects came from high-level representatives on behalf of the administration,” dagdag niya.

KAUGNAY NA BALITA: Pagpunta ni Rep. Leviste sa abroad, nais daw gamitin ng admin para mapatahimik siya sa ‘corruption issue’

Mariing itinanggi ni Castro ang alegasyon at iginiit na ang pagpapabatid ng katotohanan sa taumbayan ay hindi dapat idaan sa aniya’y “drama, insinuations, and baseless accusations.”

“Ang mga dapat malaman ng bayan ay dapat nang pinapahayag ng walang takot. Hindi puro pa media lang,” ayon kay Castro.

Dagdag pa niya, “Huwag daanin sa drama, insinuations at puro bintang na ‘walang ebidensya’ ang pagbibintang sa administrasyon.”