"Pilipinas, panalo tayo!"
Isang nakaka-inspire na social media post ang pinakawalan ng Kapuso singer na si Arabelle Dela Cruz, matapos siyang tanghaling Veiled Cup 2026 Grand Champion sa isang international singing competition sa South Korea.
Sa kaniyang emosyonal na mensahe, binalikan ni Arabelle ang mahaba at hindi madaling landas ng kaniyang pangarap. Ayon sa kaniya,
marami na siyang nasalihang kompetisyon sa paglipas ng mga taon—at karamihan sa mga ito ay hindi siya pinalad na manalo. Gayunman, iginiit niyang bawat pagkatalo ay naging mahalagang aral na humubog sa kung sino siya ngayon.
"Marami na akong nasalihan na kompetisyon sa buhay ko, karamihan pa roon ay hindi pinalad. Pero maraming naging aral sa akin lahat ng napagdaanan ko na yun. I am always grateful. And I will always be. Dahil hindi ako magiging si Arabelle ngayon kung hindi nangyari lahat ng yun," ani Arabelle sa kaniyang post, sabay pasasalamat sa Panginoon, sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, at sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kaniya.
Tinawag bilang Laguna Diva, inialay niya ang tagumpay hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat ng nangangarap at patuloy na nagtitiwala sa kaniya.
"Mula sa batang nangangarap na marinig ng lahat, nabigyan na sya ng panahon ngayon!" aniya.
"Hindi ko lang panalo ito. Para ito sa lahat ng taong nagtitiwala sa akin at nangangarap na katulad ko! Mahal ko kayo!" dagdag pa niya.
Ang Veiled Cup Korea ay isang reality singing show kung saan ang mga kalahok ay nakakubli ang pagkakakilanlan at mas nakikilala lamang batay sa kanilang bansag at lugar na pinanggalingan—isang format na tunay na sumusubok sa husay at boses ng mga mang-aawit.
Bukod kay Arabelle, kinilala rin sa kompetisyon ang galing ng kapwa Filipino artists na sina Thea Astley at Garrett Bolden, patunay ng lalim at lakas ng talento ng mga Pilipino sa larangan ng musika.
Bago pa man ang kaniyang panalo sa Korea, si Arabelle ay una nang nagpamalas ng husay sa lokal na entablado bilang 1st Runner-up ng The Clash 2025 at Top 5 Grand Finalist ng Tawag ng Tanghalan Season 2.
Sa tagumpay na ito, muli raw pinatunayan ni Arabelle na ang bawat pagkatalo ay hakbang lamang patungo sa mas malaking tagumpay, at sa bawat panalong tinatamasa, buong Pilipinas ang kaniyang kaagapay.
Kaugnay na Balita: Pinoy lang sakalam! Arabelle Dela Cruz, wagi sa ‘Veiled Cup Korea’