February 01, 2026

Home BALITA Probinsya

Isang Coastguardian, kabilang sa mga narekober na bangkay mula sa tumaob na MV Trisha Kerstin 3

Isang Coastguardian, kabilang sa mga narekober na bangkay mula sa tumaob na MV Trisha Kerstin 3
Photo courtesy: Philippine Coast Guard (FB)

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na Coast Guard personnel ang isa sa mga narekober nilang bangkay mula sa trahedyang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 sa Baluk-Baluk Island, Basilan, kamakailan. 

Saad ng PCG sa pahayag nila nitong Linggo, Pebrero 1, ang labi ng personnel ay kinilalang si Seaman First Class (SN1) Alkhaizar Q Hadjail PCG, na bineripika sa base sa kanilang standard procedures at sa pakikipagtulungan sa pamilya nito. 

Dahil dito, kinilala ng PCG ang dedikasyon ni Hadjail sa serbisyo at nagpahatid ng lubos na pakikiramay sa mga naiwan nitong mahal sa buhay.

Tiniyak rin ng PCG na magbibigay sila ng kanilang buong suporta sa mga kaanak ng personnel.

Probinsya

Bromance yarn? Dalawang lalaking nagkainitan at nagsapakan, nauwi sa yakapan

Hinggil naman sa nagpapatuloy na search and rescue operations nito ring Pebrero 1, mayroong nadagdag na tatlo pang katawan na narekober mula sa insidente ng paglubog. 

Ang mga labi na ito ay nakatakdang ibiyahe sa Zamboanga City para sa maayos na disposisyon at pagkakakilanlan. 

Ayon pa sa PCG, 40 na ang kabuoang bilang ng mga nasawi mula sa MV Trisha Kerstin 3 habang nananatili ang survivor count sa 316. 

Matatandaang isang “full-blown” na imbestigasyon ang iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para matukoy ang mga pangyayari na nauwi sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3, noong Lunes, Enero 26. 

MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3

MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero

KAUGNAY NA BALITA: Mga umaaligid na pating, isa sa mga hamon ng ‘search and rescue’ sa MV Trisha Kerstin 3

Sean Antonio/BALITA