Viral sa social media ang isang video na nagpapakita ng dalawang lalaking nagsusuntukan sa gitna ng kalsada, mula sa Barangay Fatima, General Santos City.
Sa naturang video ng netizen na si "Pabs Secram" na iniulat naman ng "TV Patrol," makikita ang dalawang lalaki mula sa Barangay Fatima sa General Santos City na kapwa walang saplot pang-itaas at tila nagsimula lamang sa parang sparring sa boxing ang kanilang galawan.
Gayunman, habang tumatagal ang insidente, nauwi ito sa seryosong sapakan, dahilan upang mapukaw ang atensyon ng mga motorista at mga taong nasa paligid.
Dahil sa kaguluhan, nagkaroon ng pansamantalang trapiko sa lugar. Makikita rin sa video na pinalibutan at inawat ang dalawang lalaki ng mga miron o tambay upang pigilan ang patuloy na suntukan at maiwasan ang mas malalang insidente.
Sa kabila ng tensyon, tila naging maayos ang wakas ng komprontasyon. Sa huling bahagi ng video, makikitang nagkaayos ang dalawa at nagyakapan, hudyat ng pagtatapos ng kanilang alitan.
Bagama't hindi pa raw alam ang pinag-ugatan ng away nila, sinasabing parehong nakainom ang dalawa.
Hindi naman nabanggit kung may nilabag ba ang dalawa pagdating sa batas-trapiko.