Hinikayat ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III nitong Linggo, Pebrero 1, 2026 ang mga manggagawang Pilipino na ikonsidera ang pagbibisikleta papasok sa trabaho bilang alternatibong paraan ng transportasyon, sa gitna ng patuloy na diskusyon ukol sa pamamahala ng trapiko sa Metro Manila.
Maki-Balita: MMDA Gen. Mngr. Torre III, nagbisikleta papuntang MMDA office
Ayon kay Torre, naging karaniwan ang pagbibisikleta bilang transportasyon noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Gayunman, matapos alisin ang mga restriksiyon, maraming lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang nagtanggal ng mga protected bike lane sa kani-kanilang lugar.
Ibinahagi ni Torre ang pahayag nang makiisa siya sa mga bike advocate sa ginanap na 129th Tiklop General Assembly (TiGAs) ng Tiklop Society of the Philippines sa UP Food Hub sa loob ng University of the Philippines Diliman.
Ang buwanang pagtitipon ay nagsisilbing pagkakataon para sa mga siklista na magbahagi ng karanasan sa pagbibisikleta, isulong ang wastong bike maintenance, at suportahan ang mga community-based bicycle donation project.
Sa kaniyang talumpati sa mga kasapi ng cycling community, sinabi ni Torre na dapat manatiling bukas ang pamahalaan sa mga alternatibong solusyon sa transportasyon at pag-aralan ang mga ito batay sa kasalukuyang kalagayan.
“That’s one of the techniques, one of the things that we do: We get all the ideas. Shoot them down. Hundreds of ideas are welcome,” ani Torre, sabay-diin na kailangang dumaan sa masusing pagsusuri ang bawat panukala.
Inulit din ni Torre ang kanyang posisyon sa isang panayam sa DZMM, kung saan sinabi niyang balak niyang ihain ang pagbibisikleta bilang alternatibo sa mga pag-uusap ng Metro Manila Council.
“May alternatibo akong sine-suggest—magbisikleta,” aniya.
Ayon pa sa MMDA general manager, bagama’t mahalaga ang bike lanes sa mga pangunahing kalsada, hindi ito laging posible sa makikitid na lansangan, kung saan maaaring ipatupad ang road sharing.
“Pwede ka naman sumingit… you do it in a safe manner, ginagawa ko rin naman ‘yan,” dagdag niya.
Binanggit ni Torre na ang pangunahing hamon na kinakaharap ng mga siklista ay hindi ang kakulangan sa access sa kalsada kundi ang kakulangan ng pasilidad sa mga pinagtatrabahuhan, partikular para sa mga empleyadong nagbibisikleta papasok sa trabaho.
“Ang kailangan talaga ng mga siklista ay mga shower rooms at changing area sa kanilang workplace,” ani Torre.
Dagdag niya, balak niyang pormal na ihain sa policy-setting Metro Manila Council ang pagbibigay ng mga insentibo o subsidiya sa mga negosyong maglalagay ng naturang pasilidad para sa kanilang mga manggagawa.