Inaresto na ng mga awtoridad si Police Senior Master Sergeant (PSMS) John Mollenido—asawa ng policewoman at ama ng walong taong gulang na batang mga kapuwa natagpuang patay kamakailan.
Ayon sa mga ulat, nitong Linggo, Pebrero 1, 2026 nang tuluyang arestuhin ng pulisya si Mollenido.
Matatandaang nauna nang idineklara ng mga awtoridad bilang person of interest (POI) si Mollenido kung matapos siyang ituro ng isa sa mga suspek na pumatay umano sa kaniyang asawa.
Ilang sandali bago siya maaresto, nagawa pa siyang tanungin ng media kung ano ang masasabi niya sa naturang mga paratang, ngunit maikli ang kaniyang naging tugon.
“No comment,” ani Mollenido.
Gumawa ng ingay ang pagkamatay ng mag-ina ni Mollenido matapos silang matagpuang patay sa magkahiwalay na lugar—ilang araw matapos silang mawala.
Noong Enero 19 nang mapaulat na nawawala ang nasabing mag-ina habang noong Enero 24 nang unang matagpuan ang wala ng buhay na katawan ng policewoman sa Pulilan, Bulacan. Ilang araw matapos ang paghahanap, natapuan namang nakabalot sa plastic ang bangkay ng kaniyang anak sa isang calamansi farm sa Tarlac noong Enero 29.
Tatlong suspek na ang unang naaresto ng mga awtoridad, habang patuloy na gumugulong ang imbestigasyon.