February 01, 2026

Home BALITA National

'Ani ng Sining: Katotohanan at Giting,' tema ng National Arts Month 2026

'Ani ng Sining: Katotohanan at Giting,' tema ng National Arts Month 2026
Photo courtesy: NCCA (FB)

Opisyal nang ipinagdiriwang sa buong bansa ang Pambansang Buwan ng mga Sining o National Arts Month 2026 ngayong Pebrero.

Inilabas na ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pamamagitan ng Subcommission on the Arts, katuwang ang Conrado Ladislawa Alcantara Foundation Inc., ang tungkol sa pagdiriwang, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 683.

Ngayong taon, tampok ang temang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting”, na binibigyang-diin ang mahalagang papel ng sining sa pagtataguyod ng katotohanan, tapang, at pagkakaisa.

Ipinapakita ng tema kung paanong ang sining ay aktibong nakikibahagi sa paghubog ng mga komunidad na makatao, pamahalaang may pananagutan, at isang lipunang may malasakit sa pangmatagalang kaunlaran.

National

‘Pleasant talk!’ FL Liza, nakadaupang-palad si Chinese Ambassador Jing Quan

Hindi lamang produkto ng malikhaing isipan ang sining, ayon sa NCCA. Sa #NAM2026, itinatampok ang sining bilang bunga ng pinagsama-samang karanasan, salaysay, at mithiin ng sambayanan.

Bilang anyo ng katotohanan at giting, nagiging bukal ito ng pag-asa at nagsisilbing gabay tungo sa mas makatarungan at progresibong lipunan.

Sa loob ng buwan ng Pebrero, inaasahang isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga exhibit, pagtatanghal, palihan, at iba pang gawaing pansining na magbibigay-pugay sa husay at talino ng mga Pilipinong alagad ng sining—mula sa tradisyonal hanggang kontemporaryo.

Inaanyayahan nila ang publiko na makibahagi sa pagdiriwang at suportahan ang sining na sumasalamin sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.

Para sa kumpletong detalye ng mga aktibidad at programa, bisitahin ang opisyal na website ng NCCA: https://ncca.gov.ph/nam2026/

.