February 01, 2026

Home BALITA Internasyonal

AI, nakatulong na sa mga doktor na maispatan breast cancer

AI, nakatulong na sa mga doktor na maispatan breast cancer

Nakatutulong ang artificial intelligence (AI) sa mga doktor upang mas maraming kaso ng breast cancer ang matukoy sa pagbabasa ng mga routine scan, ayon sa resulta ng isang world-first trial.

Ayon sa mga Swedish lead researcher ng pag-aaral, ipinapakita ng resulta na dapat magpatupad ang mga bansa ng mga programang gumagamit ng AI sa pag-scan upang mabawasan ang bigat ng trabaho ng mga radiologists.

Ayon sa mga ulat, matagal nang sinusubukan ng mga siyentipiko ang kakayahan ng AI sa pagbasa ng medical scans, kasunod ng paglabas ng ChatGPT noong 2022.

Gayunman, ang bagong pag-aaral na inilathala sa medical journal na The Lancet ang kauna-unahang natapos na randomized controlled trial na tumingin sa AI-supported breast cancer screening, na itinuturing na gold standard sa ganitong uri ng pananaliksik.

Internasyonal

May bomba pa! Pinoy green card holder, guilty na nag-aayuda ng pera sa ISIS

Mahigit 100,000 kababaihan ang lumahok sa trial na isinagawa sa buong Sweden noong 2021 at 2022. Sila ay random na hinati sa dalawang grupo. Sa unang grupo, isang radiologist ang tumingin sa mga scan na may tulong ng AI system, habang sa ikalawang grupo ay sinunod ang karaniwang European method na nangangailangan ng dalawang radiologist upang suriin ang mga scan.

Batay sa resulta, siyam na porsiyento na mas maraming kaso ng cancer ang natukoy sa grupong gumamit ng AI kumpara sa control group.

Sa loob ng sumunod na dalawang taon, ang AI group ay mayroon ding 12% na mas mababang bilang ng mga kasong nadidiskubre sa pagitan ng mga routine scan o tinatawag na interval cancers, na itinuturing na mas mapanganib.

Matatandaang ang interim results ng trial na inilabas noong 2023 ay nagpakitang halos kalahati ang ibinawas sa oras na ginugugol ng mga radiologist sa pagbasa ng mga scan dahil sa AI.

Ang AI model na Transpara ay sinanay gamit ang mahigit 200,000 na naunang eksaminasyon mula sa 10 bansa.

Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 2.3 milyong kababaihan ang na-diagnose na may breast cancer at humigit-kumulang 670,000 ang nasawi dahil sa sakit noong 2022.