Nagbigay ng reaksiyon si showbiz insider Ogie Diaz sa naging pasaring sa kaniya ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica, na hayaan na lamang sa mga lalaki ang gobyerno dahil gawain ng "tunay na lalaki" ito.
Nag-ugat ito nang Ibinahagi ni Diaz kamakailan ang isang pubmat patungkol sa naging umano'y banat ni Belgica laban kay dating senador Antonio "Sonny" Trillanes IV.
"Sa totoo lang, naniniwala pa ba ang tao kay Trillanes?” ani Belgica na inilagay sa isang art card.
Ipinost naman ito ni Belgica sa kaniyang social media account noon pang Oktubre 2025 kung kailan nagsampa si Trillanes ng kasong plunder kina Sen. Bong Go, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at dalawang iba pa.
Muling pinalutang ng isang Facebook page ang pahayag na ito ni Belgica nito ring Biyernes, ilang araw matapos kasuhan ni Trillanes ng graft at plunder si Vice President Sara Duterte.
Nag-react naman dito si Ogie na isang certified "Kakampink" at sinuportahan ang kandidatura ng Leni-Kiko tandem noong 2022.
Si Belgica naman ay masugid na tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan, nagsilbi siya bilang PACC chairman sa administrasyon nito.
“Oo naman. Mas credible kesa kay Belgica," anang Ogie.
“Walang posisyon si Antonio 'Sonny' Trillanes IV, pero ang powerful. Ang dami pang nagagawa. #Partida,” dugtong pa niya.
Nitong Linggo, Enero 25, sumagot si Belgica laban sa patutsada ni "Ogie," na bagama't walang direktang tinukoy kung si Ogie Diaz ba, ay naniniwala naman ang mga netizen na para ito sa showbiz insider.
Aniya, "My comment about Trillanes credibility was made Oct. 2025. Ni rehash ni Ogie ngayon para mapag usapan ang bata nya. Ako ang ginamit. Dahil nagsampa sila Trillianes ng kaso kay Sara sa Omb -Walang pumansin. Huli ka boy, pero hindi kulong."
May payo naman siya kay Ogie. Aniya, mas mainam daw na manatili na lang si Ogie sa showbiz.
"Ogie stay in showbiz. Gawin mo nalang artista si Trillianes gawa kayo ng pelikula baka kumita kayo. Yaan mo na kaming mga lalaki dito sa gubyerno. Gawain ng tunay na lalaki ito," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Greco Belgica/FB
Kaugnay na Balita: Greco Belgica, tinira si Ogie Diaz: 'Stay in showbiz, gawin mo na lang artista si Trillanes!'
Kaugnay na Balita: Banat ni Greco kay Ogie: 'Yaan mo na kaming mga lalaki dito sa gubyerno, gawain ng tunay na lalaki ito!'
Hindi naman ito pinalagpas ni Ogie kaya sinagot niya ito sa pamamagitan ng Facebook post, kalakip ang screenshot ng post ng dating PACC chairman.
Aniya, "Mr. Belgica, kung ni-rehash ko lang po ito, ang importante, confirmed na sinabi mo nung Oct. 2025, tama?"
"So ibig bang sabihin, nag-iba na ang impression mo kay Trillanes ngayong 2026? Credible na ba siya sa yo ngayon? O di mo lang matanggap na tama lahat ang mga hawak niyang ebidensiya?"
Sinagot din niya ang naging banat ni Belgica patungkol sa "tunay na lalaki" lamang ang gobyerno.
"Saka, Ginoong Belgica, wag mo lang i-limit sa mga tunay na lalaki ang dapat may kinalaman sa gobyerno — lahat ng mamamayang Pilipino. Bakla, tomboy, mukhang buwaya man yan o linta. Lahat. Dami mo ring supporters na bakla, so paano sila? Doon na lang sila sa parlor o sa dress shop, dahil pang-tunay na lalaki lang ang usaping gobyerno?"
"Meron nga diyan, tunay na lalaki, pinagkatiwalaan ng posisyon, nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan naman, di ba? Palagay mo, sino-sino yung tinutukoy ko?"
"Saka kung may naipakulong na po kayong big fish nung chairman kayo ng Presidential Anti Corruption Commission, pakibanggit po at hihingi po ako ng sorry sa inyo in public. Promise po."
"Pero kung si Boy pa lang po ang nahuli nyo, ano po apelyido niya?" saad pa niya.
Photo courtesy: Screenshot from Ogie Diaz/FB
Kaugnay na Balita: Trillanes, 'credible' na ba? Ogie Diaz rumesbak, sumagot sa tirada ni Greco Belgica
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Belgica sa post ni Diaz.