Nagpakita ng suporta at pagmamahal ang mga tagasuporta ni dating Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr. na nagtipon at naghintay sa labas ng Sandiganbayan nitong Martes, Enero 20, habang humaharap siya sa korte kaugnay ng kasong isinampa laban sa kaniya.
Makikita sa mga larawan ang mga tagasuporta na may hawak na mga plakard na may mga mensaheng tulad ng “Mahal ka namin Senator Bong Revilla” at “Kaisa mo kami sa laban na ito,” bilang pagpapahayag ng kanilang paninindigan at pakikiisa sa dating mambabatas.
Karamihan sa kanila ay nakasuot ng puting damit at maayos na pumila sa labas ng gusali habang inaabangan ang mga susunod na pangyayari.
Ang pagharap ni Revilla sa korte ay kasunod ng paglalabas ng Sandiganbayan ng warrant of arrest at hold departure order laban sa kaniya.
Noong Lunes, Enero 19, 2026, kusang sumuko ang dating senador matapos siyang masampahan ng kasong non-bailable na malversation na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project.
Bago tuluyang sumuko sa Sandiganbayan noong Lunes ng gabi, naglabas ng pahayag si Revilla sa pamamagitan ng isang video na ipinost sa kaniyang Facebook account.
"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest," panimula ng dating senador.
"Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” dagdag pa niya.
Kaugnay na Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'
Matatandaang noong Setyembre 2025 ay mariing itinanggi ni Revilla ang mga alegasyong iniuugnay sa kaniya kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa maanomalyang flood control project.
Ayon naman sa pahayag ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer na si Henry Alcantara, sinabi umano ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na ang General Appropriations Act (GAA) insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng ₱300 milyon ay inilaan para kay Revilla, na noon ay tumatakbo sa 2025 senatorial elections.
Agad naman itong itinanggi ni Revilla.
"I deny. Wala po akong kinalaman diyan," aniya.
Kaugnay na Balita: 'Wala akong kinalaman diyan!' basag ni Revilla sa pasabog ni Alcantara
Matatandaang hindi pinalad na mare-elect si Revilla sa nagdaang midterm elections noong Mayo.