Ibinahagi sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Castro na malungkot daw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pakakaaresto ng kaibigan nitong si dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Ayon sa naging pahayag ni Castro matapos umano ang pakikipagpulong niya kay PBBM nitong Martes, Enero 20, sinabi niyang natanong niya ang Pangulo kaugnay sa pagsuko ni Revilla sa awtoridad.
“Natanong natin kanina ang Pangulo noong tayo ay nagkaroon ng meeting with him,” pagsisimula niya.
Ani Castro, malungkot daw ang Pangulo dahil kaibigan at nakasama din nito sa alyansa si Revilla noon.
“Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya, sabi niya, malungkot siya dahil nakasama niya ito sa alyansa at kaibigan niya si Sen. Bong Revilla,” aniya.
Pagpapatuloy ni Castro, kailangan pa rin daw pagdaanan ni Revilla ang kaniyang kinakaharap na kaso at ang proseso raw ang mananaig sa huli.
“Pero ganoon pa man, proseso pa rin ang mananaig. ‘Yun na lamang po. Kailangan pong pagdaanan ito dahil may proseso,” saad niya.
“Still, sinabi po niya [ni PBBM] na malungkot po siya sa nangyari,” pagtatapos pa ni Castro.
Matatandaang kusang sumuko si Revilla kasunod ng kaniyang warrant of arrest at hold departure order na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong non-bailable malversation na may kinalaman sa isang maanomalyang flood control project noong gabi ng Lunes, Enero 19, 2026.
MAKI-BALITA: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'
Bago tuluyang sumuko sa Sandiganbayan nitong Lunes ng gabi, naglabas ng pahayag si Revilla sa pamamagitan ng isang video na ipinost sa kaniyang Facebook account.
"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” anang senador.
MAKI-BALITA: Jolo Revilla, dumepensa para sa tatay: 'Katotohanan ang mananaig!'
MAKI-BALITA: Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case
Mc Vincent Mirabuna/Balita