Naglabas ng opisyal na pahayag si Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla kaugnay ng boluntaryong pagsuko ng kaniyang amang si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa mga awtoridad, matapos isyuhan ng warrant of arrest kaugnay ng kasong malversation na may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Nangyari ang pagsuko ng dating senador kaugnay sa kasong non-bailable o walang pahintulot na piyansa, noong Lunes ng gabi, Enero 19.
Kaugnay na Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'
Nitong Martes, Enero 20, dinala sa Sandiganbayan sa Quezon City si Revilla, at ayon sa 3rd division nito, pansamantalang ikukulong ang senador-aktor sa New Quezon City Male Dormitory sa Payatas. Dumagsa ang mga tagasuporta ng dating senador sa labas ng Sandiganbayan upang ipakita ang kanilang pagsuporta at pagmamahal kay Revilla.
Kaugnay na Balita: Supporters ni Bong Revilla, nagprotesta: 'Kaisa mo kami sa laban na 'to!'
Ayon kay Rep. Revilla, sa kaniyang Facebook post nito ring Martes, ang desisyon ng kaniyang amang kusang sumuko ay isang sinadyang hakbang upang harapin nang direkta ang mga paratang laban sa kaniya at patunayan ang tiwala nito sa mga institusyong panghukuman ng bansa.
Aniya, hindi ito anyo ng pag-iwas kundi malinaw na pagpapakita ng kahandaang humarap at linisin ang pangalan sa tamang lugar—sa loob ng korte.
Binigyang-diin ng mambabatas na naniniwala ang dating senador na sa hukuman nararapat resolbahin ang mga isyu, kung saan ang mga katotohanan at ebidensiya ang mananaig kaysa sa haka-haka at espekulasyon.
Dagdag pa niya, mahirap para sa kanilang pamilya ang sitwasyon, subalit bilang isang halal na opisyal ng bayan, kinikilala niya ang kahalagahan ng pananagutan at ng integridad ng due process.
"The decision of my father, Ramon Bong Revilla, Jr., to voluntarily submit himself to the authorities was a deliberate step to confront the accusations head-on and to affirm his faith in our legal institutions," aniya.
"Hindi ito pag-iwas, kundi pagharap. He believes that the proper place to resolve these issues is inside the courtroom, where facts matter and the law speaks louder than speculation."
"As a son, this is a difficult moment for our family. As a legislator, I recognize the importance of accountability and the integrity of due process. In this light, we respectfully call for fairness—fair treatment under the law, fair judgment based on evidence, and fairness in public discourse that refrains from trial by publicity," aniya.
Nanawagan si Rep. Revilla sa publiko at sa media na igalang ang proseso ng batas at bigyang-daan ang hustisya na umiral nang walang panggigipit, ingay, o maagang paghusga.
Hiniling din niya ang patas na pagtrato sa ilalim ng batas, makatarungang paghatol na nakabatay sa ebidensiya, at responsableng diskurso sa publiko na iwas sa tinatawag na “trial by publicity.”
"I therefore ask the public and the media to allow the justice system to work—without pressure, noise, or premature conclusions," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Jolo Revilla/FB
Sa huli, nagpasalamat ang pamilya Revilla sa patuloy na panalangin at malasakit ng mga taong nananatiling naniniwala sa isang patas at makatarungang paglilitis. Ayon pa sa kongresista, buo ang kanilang paniniwala na sa tamang panahon, ang katotohanan ang siyang mananaig.