February 02, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Magkasama ba? Sen. JV Ejercito, nagsalita matapos maintriga kay MJ Lastimosa

Magkasama ba? Sen. JV Ejercito, nagsalita matapos maintriga kay MJ Lastimosa
Photo courtesy: via MB

Ipinaliwanag ni Sen. JV Ejercito ang mga kumakalat na pangmamalisya tungkol sa kanila ni Miss Universe Philippines 2014 Mary Jean "MJ" Lastimosa, matapos silang maispatang magkatabi ng upuan sa mesa, sa dinaluhang kasal nina Ilocos Norte Vice Governor Matthew Manotoc at Miss Earth 2014 Jamie Herrell noong Enero 9, 2026.

Agad na minalisya ng mga netizen ang pagkakatabi ng dalawa sa mesa sa naganap na wedding reception, na nag-iwan ng espekulasyon sa mga netizen na baka magkasama sila.

Isa pa, kumalat ang isang video kung saan ipinakikilala ng ina ng groom na si Sen. Imee Marcos ang mga panauhin, kabilang na ang mga kasamahang senador na dumalo sa kasal ng anak.

"Ang unang dumating, si JV 'The Good One' Ejercito. Ako rin, 'The Good One,'" hirit ni Sen. Imee.

Tsika at Intriga

Marjorie may closure, nasa bedside ng ina bago pumanaw: 'Allowed me to heal!'

"Pero kabsat, hindi ka pa rin nadadala. Always in trouble with beauty queens," sundot pa ng senadora, na ikinatawa naman ni Sen. JV. Nang mga sandaling iyon naman, nakatingin sa kaniyang cellphone ang beauty queen, pero napangiti rin.

May laman ang hirit na ito ni Sen. Imee dahil puro beauty queens ang mga nanay ng anak ng senador. Saad pa sa ulat ng PEP, si 1988 Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific Hyacinth "Cindy” Lotuaco ang pinakasalan niya habang ang una niyang nakarelasyong si 1991 Bb. Pilipinas-International titleholder na si Patty Betita ang ina ng panganay na anak ng senador.

Sa panayam naman ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kay Sen. JV, nilinaw niyang hindi sila magkasama ni MJ nang mga sandaling iyon, at nagkataon lang na magkatabi sila ng upuan.

Itinanggi ng senador ang pagkakaroon ng kaugnayan sa beauty queen, aktres, at TV host. 

Kaibigan daw niya ang groom na si Matthew at kaibigan naman ni MJ ang bride na si Jamie.

Hindi raw inakala ng senador na mamalisyahin ng mga netizen ang pagiging magkatabi nila sa kasal ni MJ.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si MJ tungkol sa isyu.