Nasawi ang isang lalaki matapos masagasaan ng isang wing van truck habang tumutulong sa mga naaksidenteng sakay ng motorsiklo sa Barangay Mandangoa, Balingasag, Misamis Oriental.
Sariling buhay ang naging kapalit ng ginawang pagtulong ng biktima sa kapwa.
Ayon sa awtoridad, may kasama ang 42-anyos na biktima na nakaligtas matapos siyang maitulak ng lalaki bago siya masagasaan.
Sa salaysay ng mga saksi, sinabi ni Balingasag Municipal Police Station Traffic Investigator Master Sergeant Bryan Baillo na napadaan lamang umano ang biktima at ang kanyang kasama sa naunang aksidente at nagpasyang huminto upang tumulong.
Gayunman, biglang dumating ang isang wing van truck na mabilis umano ang takbo at nahagip ang biktima. Nagawa pa umano ng lalaki na itulak ang kanyang kasama palayo sa kalsada kaya ito ay nakaligtas.
Paliwanag naman ng driver ng truck, nawalan umano ng preno ang kanyang sasakyan kaya kinabig niya ito sa kanang bahagi ng kalsada. Hindi niya raw namalayan na may mga taong naroon dahil may dump truck pa sa unahan niya.
Bukod sa nasawing lalaki, pito pang iba ang nagtamo ng minor injuries sa insidente.
Ayon sa pulisya, nagkausap na at nagkaroon na ng kasunduan ang may-ari ng truck at ang pamilya ng nasawi, gayundin ang mga nasaktan, kaya hindi na magsasampa ng reklamo.