Usap-usapan sa social media ang ginawang promotional material ng TV5 para sa pagpapalabas ng pelikulang "Hindi Tayo Puwede" nina Tony Labrusca, Lovi Poe, at Marco Gumabao sa kanilang "CineCinco" sa Primetime.
Matatandaang hindi na napapanood sa Primetime ng TV5 ang ilang ABS-CBN shows dahil sa nangyaring pagsasara ng deal agreement ng dalawang network, na nagsimula na noong Enero 2, 2026.
Nitong Huwebes, Enero 8, mapapanood na ang pelikula sa 8:45PM slot pagkatapos ng "Totoy Bato" na pinagbibidahan ni Kiko Estrada.
Pero ang mga netizen, napansin ang kalidad ng art card.
Imbes na mapikon, tila "game" naman ang admin na nasa likod ng page para sagutin ang mga natatanggap na okray sa promotional material.
Sabi ng isang netizen, "absent graphic designer nyo no?"
Na sinagot naman ng TV5 na "Ckret."
Segunda naman ng isa, "naka lunch break graphic designer nila. ala una palang hahaha."
Isa pang commenter ang nagsabi, "Ano ba namang edit yan? Daig pa kayo ng grade 2. Hahahahaha taena!"
Giit pa ng isa, "Hindi tinamad, pero tinipid."
Tugon naman ng TV5, "Imbes na paganon, paganon!"
Ilang netizens naman ang nagsabing baka sinadya o "marketing strategy" lang daw ito para pag-usapan.
"Baka "Pwede na ba'to?) na mali lang ata kayo na type, but impernes galing na marketing strategy nyu TV5 dami natuwa sa ginawa nyu at marami din nakapansin."
"Intern nga ba o hindi? Tinipid nga ba o hindi?"
"Clout chaser talaga 'tong TV5. Ayos strategy niyo sa madla, daming natuwa lalo na yung ghost fighter voice over."
Hindi na sumagot ang admin ng TV5 sa mga komentong ito.