Naiulat na nawawala umano ang isang parish priest sa Leyte nitong Huwebes, Disyembre 25.
Sa impormasyong inilabas ng Babatngon Municipal Police Station (MPS), huling namataan si Fr. Edwin Cutz Caintoy, 55-anyos, Parish Priest ng San Jose de Malibago Parish, noong Disyembre 23, 2025, bandang 9:08 AM.
Naglakbay umano ito patungong Brgy. 108, Tagpuro, Tacloban City sakay ang orange RUSI motorcycle na minamaneho ng sakristan na si Janriel Pelapel.
Nang makarating sa Tagpuro, sumakay umano ang pari ng NORBATCO passenger bus patungong Tacloban City.
Naiulat din, ayon sa pulisya, na bumaba ang pari sa Our Lady of Guadalupe Church sa Quezon Boulevard sa Tacloban City bandang 9:52 AM.
Nahagip pa ng CCTV si Fr. Caintoy habang naglalakad patungong Robinsons North Tacloban, matapos no'n ay hindi na nalaman ang kaniyang kinaroroonan at hindi pa rin bumabalik hanggang ngayong Disyembre 25.
Ang suot daw ni Fr. Caintoy ay white clerical polo, black slacks, at may dalang black sling bag.
Samantala, ayon sa ulat ng Leyte Police Provincial Office nito ring Disyembre 25, nagsasagawa na sila ng active validation at investigation sa pagkawala ni Fr. Caintoy.
Anila, kahit daw na may mga ulat na nakita na ang pari ay hindi pa rin daw ito nave-verify ng awtoridad.
"The LPPO, in coordination with concerned police units, is actively pursuing all leads to determine the circumstances of the incident and locate Father Caintoy at the soonest possible time," anang LPPO.
"The LPPO urges the public and media to refrain from spreading unverified or misleading information, as this may cause unnecessary alarm and hinder ongoing investigations. Verified updates will be released through official police channels," dagdag pa nila.