July 12, 2026

Home FEATURES Human-Interest

BINGE LIST: K-Dramas na legal-themed, bakbakan sa korte ang plot

BINGE LIST: K-Dramas na legal-themed, bakbakan sa korte ang plot
Photo courtesy: Unsplash

“Objection, your honor!”

Opisyal nang sinimulan ng Senado ang kanilang paglilitis sa inihaing impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Lunes, Hulyo 6. 

Ang impeachment trial na ito ay nag-ugat sa mga alegasyon ng paglabag sa konstitusyon, maling paggamit ng pondo ng pamahalaan, pagtanggi sa pagsasapubliko ng kaniyang yaman, at pagbibitiw ng mga banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at kaniyang pamilya. 

Ayon sa mga ulat, inaasahang umandar ang paglilitis kay Duterte ng hanggang pitong buwan. 

Dahil sa opisyal na pag-arangkada ng paglilitis ng Bise Presidente, hindi lamang mga opisyal ng pamahalaan ang nakikipagdiskusyon hinggil dito kung hindi maging ang netizens na sumusubaybay dito online. 

Human-Interest

'CPR Playlist,’ ibinaba ng PRC upang makatulong sa pansagip-buhay!

Mula sa mga tahi-tahing ulat sa politika hanggang sa mga teknikalidad ng usapin sa prosesong legal, hindi maiiwasang malito ang publiko na sundan at intindihin ang mga pangyayari. 

Kaya upang mas mapagaan nang bahagya, narito ang ilang Korean Drama na umiikot sa korte at batas ang kuwento, upang mas madaling matutunan ang mga nangyayari sa loob ng korte at isang paglilitis: 

1. Pro Bono (2025)

Sinusundan dito ang istorya ni Kang Da-Wit (Jung Kyung-Ho), na isang husgadong kilala sa kaniyang malinis at perpektong imahe sa industriya na abugasya. 

Gayunman, dahil sa isang pangyayari, kinailangan niyang mag-resign sa kaniyang trabaho. 

Dito ay nakilala niya si Park Gi-Ppeum (So Ju-Yeon) na isang public interest lawyer, na mayroong adbokasiya sa pagprotekta ng human rights at social justice. 

Kalauna’y nagtayo ng asosasyon sina Kang at Park na tinawag nilang “Pro Bono” na layong magprotekta sa pangkat ng mga kompanya o conglomerates at mga biktima. 

2. Beyond the Bar (2025) 

Umiikot ang istorya nito kay Yoon Seok-Hoon (Lee Jin-Uk) na isang partner lawyer sa isang litigation team sa Yullim Law Firm. 

Si Seok-Hoon ay kilala sa pagiging risk taker na sadyang nagbibigay ng pressure sa kanilang mga nakakalaban gamit ang kaniyang malikhaing lohika.

Bagama’t hinahangaan siya ng mga kasamahan sa trabaho, hindi nila madaling nalalapitan si Seok-Hoon dahil sa kaniyang “cold attitude” at kakulangan ng social skills sa iba. 

Sa kabilang banda, nakatrabaho ni Seong-Hoon ang rookie lawyer na si Kang Hyo-Min (Jung Chae-Yeon) na sa kabila ng pagiging socially awkward, ay naninindigan sa kaniyang prinsipyo at kumpiyansa sa sarili. 

3. Juvenile Justice (2022)

Si Sim Eun-Seok (Kim Hye-Soo), na isang premyadong husgado ay naitalga sa isang lokal na juvenile court dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga bayolenteng kaso na ginagawa ng mga menor de edad. 

Bagama’t lubos na inaawayan ni Eun-Seok ang mga kriminal na menor de edad, mahigpit niyang pinatawan ang mga ito ng parusa sa sarili niyang pamamaraan. 

4. Extraordinary Attorney Woo (2022)

Umiikot ang istorya ng series na ito kay Woo Young-Woo (Park Eun-Bin) na isang abogado na nasa autism spectrum.

Sa kabila ng kaniyang angking talino at pagiging matandain, mayroon siyang kakulangan sa social skills at empathy o pakikiramay sa iba. 

Bilang trainee lawyer sa isang malaking law firm, naharap si Woo sa iba’t ibang uri ng pang-aapi gayunman, hindi ito pumigil sa kaniya upang maglutas ng mga kaso. 

5.  Bad Prosecutor (2022)

Bilang taga-usig, si Jin Jung (Do Kyung-Soo), minsa’y umaasa siya sa kaniyang mabilis na aksyong na hinahaluan niya ng pandaraya kaysa sa nakasanayang pagsasanay ng batas.

Sa kabila nito, patuloy na pinanghahawakan ni Jin Jung ang hustisya at pagpapahalaga sa konsensiya. 

Dahil dito, tiniyak ni Jin Jung na ipagtanggol ang mahihina sa mata ng batas upang matiyak na makamtan ang hustisya.

6. Law School (2021)

Sinusundan dito ang kuwento ng propesor sa Law School at dating taga-usig, Yang Jong-Hoon (Kim Myung-Min), na nasangkot sa isang kaso. 

Gayundin sa ilan niyang estudyante na sina Han Joon-Hwi (Kim Bum), Kang Sol (Ryu Hye-Young), na unti-unting natututunan ang propesyon ng abugasya habang kinahaharap ang mga personal nilang problema. 

7. Vincenzo (2021)

Bilang abugado, si Vincenzo Cassano (Song Joong-Ki), ay nagtrabaho para sa mga mafia bilang isang consigliere o tagapayo. 

Para sa misyong makuha ang gintong nakabaon sa ilalim ng isang plaza, lumipad si Vincenzo sa South Korea, kung saan niya nakilala ang abugadong si Hong Cha-Young (Jeon Yeo-Bin).

Ang misyong ito ay naging komplikado nang isa pang grupo ng kumpanya ang nagmamay-ari na sa plaza, na nagdulot upang mauwi rin ang misyon sa isang giyera. 

8. Touch Your Heart (2019)

Para sa mga naghahanap ng kilig sa gitna ng mga usaping legal at bakbakan sa korte, sinusundan sa “Touch Your Heart” ang kuwento ni Oh Yoon-Seo (Yoo In-Na) na isang sikat na aktres na kilala sa kaniyang nakakaakit na itsura ngunit hindi maayos na pagtatanghal, at dahil nasangkot pa siya sa isang scandal, mas lalo pang bumulusok pababa ang kaniyang karera bilang aktres. 

Kaya nang napag-alaman niyang may isang sikat na screenwrite na nais siyang kuhanin bilang bida sa isang legal drama series, sinubukan ni Yoon-Seo na panandaliang magtrabaho bilang secretary sa isang law firm. 

Dito ay nakilala niya ang abugadong si Kwon Jung-Rok (Lee Dong-Wook), na kilala naman dahil sa kaniyang pagiging mayabang. 

9. Legal High (2019)

Sa mga naghahanap ng tamang balanse sa mabibigat na legal na laban at comedy, sinusundan naman sa “Legal High” ang kuwento ni Go Tae-Rim (Jin Goo) na abugadong kilala sa kaniyang pagiging mayabang at matatalim na pananalita, ngunit pagkakaroon din ng 100% winning rate sa kaniyang mga kasong hinahawakan. 

Dahil dito, mataas din ang kaniyang “attorney’s fee,” at kung minsan, natatawag pa siyang “mukhang pera” dahil dito. 

Sa kabilang banda ang baguhang abugado na si Seo Jae-In (Seo Eun-Soo) ay naninindigan sa kaniyang adbokasiya na tumulong sa kaniyang mga kliyenteng humaharap sa mahihirap na sitwasyon. 

Sa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangan magtrabaho nina Tae-Rim at Jae-In bilang “Team.” 

10. Ms. Hammurabi (2018)

Sinusundan dito ang istorya ng baguhang husgado na si Park Cha O Reum (Go Ara) na mariing sinusunod ang prinsipyo ng “an eye for an eye” o “mata sa mata.” 

Mariin niyang kinokondena ang anumang panlalamang o kaya’y bulag na pagsunod sa mga awtoridad.