Naghain si Sen. Mark Villar ng Senate Resolution No. 507 upang bigyang-pugay at kilalanin ang Filipina tennis sensation na si Alexandra “Alex” Eala dahil sa kanyang natatanging tagumpay at mahalagang ambag sa larangan ng palakasan sa bansa.
Sa naturang resolusyon, pinuri ni Villar ang makasaysayang pagtakbo ni Eala sa 2026 Wimbledon Championships, kung saan siya ang naging kauna-unahang Pilipino na umabot sa Round of 16 ng isang Grand Slam singles tournament.
Ayon sa senador, ang tagumpay ni Eala ay nagdala ng karangalan at pagkilala sa Pilipinas sa pandaigdigang entablado ng tennis at nagsilbing inspirasyon sa maraming kabataang Pilipino na nangangarap na makipagsabayan sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo.
Binanggit din sa resolusyon ang impresibong kampanya ni Eala sa Wimbledon kung saan tinalo niya sina Renata Zarazua ng Mexico at Maya Joint ng Australia bago gumawa ng malaking sorpresa sa pamamagitan ng pagwagi laban sa dating world no. 1 at kasalukuyang world no. 3 na si Iga Świątek ng Poland. Natapos ang kaniyang makasaysayang kampanya matapos siyang yumuko kay Italian tennis star at Olympic gold medalist Jasmine Paolini.
Ipinunto rin sa resolusyon na dahil sa kaniyang matagumpay na mga kampanya sa iba’t ibang torneo sa damuhan, inaasahang maaabot ni Eala ang pinakamataas niyang ranggo sa Women’s Tennis Association (WTA), bukod pa sa pagkapanalo ng isang WTA 125 title sa Birmingham at pag-abot sa semifinals ng torneo sa Berlin.
Ayon pa sa dokumento, muling pinasigla ng mga tagumpay ni Eala ang interes ng mga Pilipino sa tennis, na nagbunsod ng mga watch party at iba pang pagtitipon upang suportahan ang kaniyang laban sa Wimbledon.
Sa resolusyon, hiniling ng Senado na opisyal na batiin at kilalanin si Eala para sa kaniyang “historic and iconic run” sa Wimbledon na nagbigay ng pagmamalaki, karangalan, at internasyonal na pagkilala sa bansa.
Patuloy namang itinuturing si Eala bilang isa sa mga pinakamaliwanag na bituin ng Philippine sports at simbolo ng husay, determinasyon, at pag-asa para sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
Maki-Balita: 'Keep going, we are behind you!' PBBM proud kay Alex Eala