Pumanaw na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, 2025, matapos mahulog umano sa bangin, na tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim.
Kinumpirma ng Benguet Provincial Police Office ang pagpanaw ng ginang matapos maiulat na natagpuan umano ang katawan nito na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18.
Ayon sa mga awtoridad, kasama ni Cabral ang kaniyang driver na bumibiyahe sa Kennon Road patungong La Union bandang 3:00 p.m.
Pinatigil umano ni Cabral ang driver sa Maramal, Camp 5 para hilingin iwan siya nito doon.
Sinunod ng driver ang utos at nagtungo sa malapit na gasolinahan.
Ngunit pagbalik ng driver, wala na ang amo niya sa nasabing lokasyon bandang 5:00 p.m. Kaya pagpatak ng 7:00 p.m. humingi siya ng tulong sa mga pulis.
Samantala, inatasan ng Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na ipreserba ang mga cellphone at iba pang gadget ni Cabral.
Matatandaang kabilang si Cabral sa listahan ng mga opisyal ng DPWH na pinakakasuhan bago matapos ang taon dahil sa pagkakasangkot umano nito sa maanomalyang flood control projects.
Maki-Balita: Romualdez, 86 iba pa inirekomendang kasuhan bago matapos ang taon—Sec. Dizon