December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Wala sa listahan!' Gretchen Barretto, etsapuwera ng DOJ sa kaso ng mga nawawalang sabungero

'Wala sa listahan!' Gretchen Barretto, etsapuwera ng DOJ sa kaso ng mga nawawalang sabungero

Hindi kasama ang pangalan ng aktres na si Gretchen Barretto sa listahan ng Department of Justice (DOJ) na nagrerekomendang kasuhan ang negosyanteng si Atong Ang at iba pang higit 20 indibidwal, kaugnay sa isyu ng mga nawawalang sabungero.

Matatandaang isa si Gretchen sa mga pangalang binanggit ng saksing si Julie "Dondon" Patidongan na umano'y isa sa mga mastermind sa umano'y pagpaslang sa mga nawawalang sabungero, na umano'y itinatapon ang mga bangkay sa lawa ng Bulkang Taal sa Batangas.

Kaugnay na Balita: Atong Ang, Gretchen Barretto, kinaladkad sa isyu ng mga nawawalang sabungero

Kamakailan lamang, nagsadya si Gretchen sa DOJ kasama ang legal counsel na si Atty. Alma Mallonga, upang magbigay ng counter-affidavit na magpapatunay na wala siyang kinalaman sa mga umano'y ibinibintang sa kaniya.

Tsika at Intriga

'The truth is out!' Claudine proud sis, wala si Gretchen sa listahan ng DOJ

Kaugnay na Balita: Gretchen naghain ng counter-affidavit sa DOJ, tiwalang magiging patas imbestigasyon

Samantala, nagbigay naman ng pahayag si Mallonga matapos na lumabas ang listahan ng DOJ at hindi mapabilang dito ang pangalan ng kliyente.

"Thankfully, the Department of Justice agreed, ruling that the accusations were based on speculation and uncorroborated, and thus dismissed the complaint against her for lack of merit,” aniya.

Ibinahagi sa Facebook post ng DOJ ang press statement kaugnay ng rekomendasyon sa kaso, Martes, Disyembre 9.

Anila, may sapat umanong paunang ebidensya o "prima facie evidence" na nakita ang panel of prosecutors upang isampa sa korte ang mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention laban sa negosyanteng si Ang at iba pang mga personalidad na umano'y may kaugnay sa misteryosong pagkawala at pagdukot sa mga sabungero mula taong 2021 hanggang 2022.

"DOJ finds Prima Facie Evidence with Reasonable Certainty of Conviction to Charge Charlie Tiu Hay Ang @ Atong Ang and 21 other Respondents with Kidnapping With Homicide and/or Kidnapping With Serious Illegal Detention," mababasa sa caption.

Mababasa sa pahayag na nakitaan ng panel of prosecutors ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction to indict para sa 10 counts of kidnapping with homicide si Ang at iba pang mga personalidad, gayundin sa kidnapping with serious illegal detention; sa kabuuan, aabot sa 26 ang maaaring kasuhan sa korte para sa trial.

Tungkol naman sa iba pang mga respondent, ang mga kaso ay ibinasura nang walang paglabag sa karapatang muling maghain ng reklamo sa DOJ, sakaling may lumitaw na mga ebidensiyang direktang mag-uugnay sa kanila sa mga gawaing ilegal na pagkakakulong.

Kaugnay na Balita: 'May sapat na ebidensya!' DOJ, aprub sa kaso laban kay Atong Ang, iba pa dahil sa lost sabungeros

Gayunman, mariing itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya. Iginiit ng negosyante na wala siyang kinalaman sa pagkawala at pagpatay sa mga sabungero at tinawag niyang kasinungalingan ang mga ibinibintang sa kaniya.

Noong Agosto, nagsampa ng reklamo ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero laban kay Ang at 60 iba pa sa iba’t ibang kaso, kabilang ang multiple murder, serious illegal detention, at iba pang mabibigat na krimen.

Samantala, noong Oktubre, ibinasura ng Office of the City Prosecutor of Mandaluyong ang kasong extortion na inihain ni Ang laban kina Patidongan at isa pang whistleblower na si Alan Bantiles. Ayon sa piskalya, kulang umano sa mahahalagang detalye at sapat na ebidensya ang reklamo ng negosyante.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Ang hinggil sa inilabas na press statement ng DOJ.