Pinagpapaliwanag ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang babaeng umiinom umano ng alak mula sa isang wine glass habang nagmamaneho ng sasakyan.
Dahil dito, ipinag-utos ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang 90 araw na preventive suspension sa lisensya ng drayber kasabay ng pagpapalabas ng SCO para pagpaliwanagin ang babaeng nagmamaneho at ang registered owner ng sasakyan na Mazda MX-5.
Ayon sa pahayag ng LTO nitong Martes, Disyembre 9, nakasaad sa SCO na kailangan magsumite ang babaeng drayber at registered owner ng sasakyan ng verified o sworn comment/explanation kasama ang orihinal na dokumento ng sasakyan, upang sagutin kung bakit hindi sila dapat patawan ng administratibong parusa para sa Reckless Driving at sa Driving While Under the Influence of Liquor or Narcotic Drugs, na bahagi ng batas sa ilalim ng Land Transportation and Traffic Code.
Kailangan di daw magpaliwanag ng drayber kung bakit hindi dapat bawiin o i-revoke ang kanyang driver’s license dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle ayon sa umiiral na batas at regulasyon sa transportasyon.
Itinakda ng LTO ang hearing sa nabanggit na mga kaso sa Intelligence and Investigation Division (IID), LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, sa Disyembre 12, 2025.