Personal na umanong sumuko ang kontratistang si Sarah Discaya sa ahensya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ito sa naging pagsisiwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na paglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ngayong linggo.
Ayon sa mga ulat, nagtungo mismo si Discaya sa tanggapan ng NBI sa Pasay City nitong 10:00 ng umaga matapos ang ilang oras na naging pahayag ng Pangulo tungkol sa nitong Martes, Disyembre 9, 2025.
Matatandaang ipinahayag sa publiko ni PBBM na inaasahan umano niyang mailalabas na ang warrant of arrest laban kay Discaya sa loob mismo ng linggong ito.
KAUGNAY NA BALITA: Sarah Discaya, masisilbihan na ng arrest warrant ngayong linggo—PBBM
Ayon kay PBBM, sinabi niyang may walong indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Davao Occidental ang handa nang sumuko sa ahensya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Bukod dito, ibinahagi rin ng Pangulo ang napipintong pagsisilbi ng warrant of arrest kay Discaya sa loob daw ng linggong ito.
“Inaasahan na rin nating lalabas ang warrant of arrest ni Sarah Discaya itong linggong ito at hindi na rin magtatagal ang pag-aresto sa kaniya,” pagdidiin niya.
Kaugnay din ito ng nauna nang isapubliko ni PBBM na mayroong mga pribado at kilalang mga indibidwal ang sangkot sa umano’y natuklasan nilang maanomalyang flood control projects sa Davao Occidental kabilang na sina Sarah Discaya, Maria Roma Angeline D. Rimando, at iba pa.
KAUGNAY NA BALITA: 'Marami pang magpapasko sa kulungan!' PBBM, aaksyunan natuklasang ghost projects sa Davao Occidental
Anang Pangulo, aabot daw sa ₱100 milyon ang ipinagkaloob na budget noon sa St. Timothy Construction Corporation ngunit hindi kailanman nasimulan at natapos ang nasabing proyekto.
Dagdag pa niya, “Sa inspeksyon ng CIDG noong [September 25], 2025, natukoy na walang anomang konstruksyon sa lugar na ‘yon. Kinumpirma ng mga indigenous people at barangay officials sa kanilang joint affidavit na walang naganap na implementasyon ng mga proyekto.”
Pagbabanggit niya, “May mga private at public na indibidwal na pinangalanan sa reklamo na kinabibilangan ng St. Timothy, si Cezarah Rowena Discaya at Maria Roma Angeline D. Rimando. Mayroon pang mga ibang nasa ahensya ng DPWH na nasama rin sa kasong ito.”
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag ang kampo ni Discaya kaugnay sa kusa nitong pagpunta sa kustodiya ng NBI ngayon ding Martes.
MAKI-BALITA: PBBM, pinamamadali pagpapasa ng Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, atbp.
MAKI-BALITA: Rep. De Lima, dismayadong hindi 'certified as urgent' legislative orders ni PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita