Usap-usapan ang paglalabas ng pahayag ng CEO ng isang beauty brand at social media personality na si "Queen Hera" patungkol sa naging dahilan ng denied entry ng social media influencer na si Ker Garcia o mas kilala sa tawag na "Fhukerat," sa pamamagitan ng kaniyang TikTok videos.
Matatandaang noong Nobyembre, naging isyu sa social media ang umano'y pagharang kay Fhukerat na makapasok sa Dubai, isa sa mga pinakamataong lungsod sa bansang United Arab Emirates o UAE, na ang unang espekulasyon ay dahil daw sa kaniyang "cross-dressing."
Nobyembre 21, naglabas ng pahayag si Fhukerat at isinalaysay ang kaniyang bersyon ng mga pangyayari kung bakit siya denied entry sa nabanggit na lugar.
"'Yong reason kung bakit hindi ako nakapasok ng Dubai, hindi sa pananamit ko, hindi sa make-up ko, at hindi sa pag-iingay ko," paliwanag ni Fhukerat.
"Ang sabi sa akin ng officer, na sinabi ko rito sa YT (YouTube channel) ko, sabi niya, 'It's because your identity [does] not match your passport."
"So 'pag tiningnan ako, mukha akong babae, pero tingnan n'yo 'yong passport ko, is nakalagay do'n 'male.' So 'yon ang pinaka-reason, walang reason kung nakadamit ako ng pambabae, hindi 'yon," aniya pa.
Sa pagpapatuloy pa niya, "Saka sabi ng officer, 'You know what, there's nothing wrong about you, gender expression is okay, pero 'yon nga, rules [are] rules, you should abide by the rules, ito 'yong rules namin.' Pasensya na raw kung gano'n 'yong nangyari."
"Sabi ko naman, 'It's totally fine. I understand that I should abide by the law, and I'm not really familiar with your rules here, and it's my first time, so I don't have any idea.' So 'yon 'yon, teh!" paliwanag pa niya.
Pero tila taliwas naman ito sa naging pahayag ni Queen Hera, na kinailangan nang magsalita patungkol sa isyu dahil binabakbakan ng bashers, na kesyo siya ang nagdala kay Fhukerat sa Duai subalit umano'y "pinabayaan" daw niya.
Paliwanag ni Queen Hera, masama ang loob niya kay Fhukerat dahil tila hinayaan pa raw nitong makuyog siya ng netizens, at mas inuna pa raw ang pag-upload ng reaction video patungkol sa resulta ng Miss Universe 2025, kaysa mag-upload ng paliwanag niya sa mga nangyari, at pagklaro sa panig naman niya.
Ayon kay Queen Hera, hindi raw siya nagkulang sa pagsita kay Fhukerat na mag-behave dahil nasa ibang bansa na sila.
"Hindi pa siya nakakarating sa Immigration Officer, hinarang na siya," saad ni Queen Hera.
"Tandaan n'yo, hindi pa nakakarating sa Immigration Officer, pinakadulo pa lang ng linya, alam n'yo 'yong airport sa Dubai napakahaba ng linya, pinakadulo pa lang ng linya, naharang na siya. Bakit kaya? Bakit kaya? Nanginginig ako habang sinasabi ko 'to. Hindi tayo aabot sa ganito kung marunong tayong mag-take ng accountability," saad pa ni Queen Hera.
Kuwento ni Queen Hera na ilang beses na niyang pinagsabihan si Fhukerat na mag-behave, maging noong nasa airport pa lamang sila sa Pilipinas dahil sa pagiging maingay nito. Ayon pa kay Hera, ipinagmalaki pa raw ni Fhukerat na siya ay “sikat” bilang social media influencer, sa Immigration sa Pilipinas.
Sa eroplano pa lang daw ay medyo "naiirita" na si Queen Hera kay Fhukerat dahil sa pag-utos nito sa kasama nila na videohan siya.
Pagdating nila sa Dubai airport, hindi raw humupa ang ingay ng personalidad at nagsisigaw pa umano ito ng “Welcome to Dubai!” dahilan para pagtinginan na siya ng mga tao. Paulit-ulit pa raw siyang pinaalalahanan ni Queen Hera na maghinay-hinay o mag-behave dahil nasa ibang bansa na sila.
Dagdag pa ni Hera, habang sakay sila ng tren papuntang Immigration area, pumasok pa raw si Fhukerat sa female comfort room. Dahil sa dami ng CCTV sa paliparan, mabilis umanong namo-monitor ang mga kilos nito. Bago pa man sila makarating sa Immigration counter, hinarang na raw ang social media personality. Ayon sa paliwanag sa kanila, hindi raw usapin ng pananamit ang insidente kundi isang isyu tungkol sa national security.
Pagkapasok nila sa area, nagpatuloy si Hera sa kaniyang biyahe at kinuha ang kaniyang luggage. Ilang sandali pa, nakatanggap siya ng tawag na na-hold si Fhukerat sa Immigration. Hindi na raw siya pinayagang bumalik upang tulungan ito. Sinubukan pa niyang itanong kung maaaring magpalit ng damit ang kasama, ngunit tumanggi raw ang immigration officer na makipag-usap at sina Roldan at Mami John G lamang ang pinapayagang kumausap.
Ayon daw sa officer, “This is not about the outfit, this is about national security.” Naghintay sila hanggang madaling-araw, umaasang mapapalampas ang nangyari, ngunit ibinaba ang desisyon: blacklisted si Fhukerat at hindi na raw ito maaaring bumalik ng Dubai.
"'Do not ever come back to Dubai again, 'yan ang sabi sa kaniya," sey ni Queen Hera.
"Mangiyak-ngiyak ako, nanginginig ako, nanlalamig 'yong kamay ko..." sundot pa niya.
Ayon pa kay Queen Hera, napilitan siyang magsalita dahil nagalit siya sa ginawa ni Fhukerat. Sa halip daw na magpaliwanag tungkol sa insidente, mas inuna pa nito ang pagpo-post ng reaction videos kaugnay ng Miss Universe 2025.
Dahil dito, tila hinayaan umano ni Fhukerat na sila Queen Hera, ang kanilang mga kasama, at maging ang travel agent ay paulanan ng galit ng mga netizen.
Sa kaniyang verified Facebook account na "Queen Heral Official," nag-post din siya tungkol sa isyu.
"Hello PINAS…. Grabe na miss ko ang pinas pagdating sa chismis hahahaha ems."
"Anyway lahat naman po ng sinabi ko ay totoo!! Lahat yan may resibo. Di na sana umabot sa ganito kase ayoko naman na talaga ng issue. Pagod na ako sa ganung buhay. Gusto ko nalang ng tahimik, mag business at magpakananay nalang. Pero nakalimutan nyo din ata ang ugali ko dati na pwde maibalik anytime basta naabuso na ako. Lalo na pag napapahamak na ang reputasyon ng mga kasama ko. At nadamay na din pati business ko," paliwanag pa ni Queen Hera.
"Wala ako ibang intensyon kundi mailabas ang totoo at ma clear lahat. Actually ang dami nag ddm sakin . Sending their experience kay F, at ang iba ang lala, so wala lang talaga nagsasalita bukod kay QD at ako."
"Ibahin mo ako be…. Sobrang haba ng pasensya ko pero once madamay na ibang tao, may nakita na ako damage sa isang tao na super bait. Palagi ako rumiresbak, lagi ako magsasalita at ipagtaanggol ko mga taong tumulong saakin, di kagaya mo , sarili mo lang iniiisip mo. İkaw palagi kawawa!! Mali yan !!! Baguhin mo yan before its too late. God bless everyone."
Photo courtesy: Screenshot from Queen Hera Official/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Fhukerat hinggil sa mga naging pahayag ni Queen Hera.
Kaugnay na Balita: 'Mukha akong babae, pero sa passport male! Bakit 'denied entry' si Fhukerat sa Dubai?