December 12, 2025

Home BALITA National

Biro ni Lacson kay Dela Rosa: ‘Tuturuan ko siya paano magtago’

Biro ni Lacson kay Dela Rosa: ‘Tuturuan ko siya paano magtago’
Photo courtesy: Ping Lacson (FB), MB FILE PHOTO

Tila pabirong nagbigay ng suhestiyon si Senate President Pro Tempore Ping Lacson na bukas daw niyang turuang magtago si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kung gugustuhin nito sakaling magkatotoo ang umugong na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban dito. 

Ayon sa naging pahayag ni Lacson sa ambush interview nitong Martes, Nobyembre 11, sinabi niyang handa raw niyang turuan si Dela Rosa sakali mang mapagdesisyunan nitong magtago mula sa pagtugis ng ICC. 

“Hindi pa naman siya naka-decide kung magtatago,” pagsisimula ni Lacson. 

Biro pa niya, “kung mag-decide niya na magtago, tuturuan ko siya kung paano magtago. ‘Di joke lang.” 

National

'Dapat maawa din siya sa mga taong biktima nila!'—Sec. Dizon kay Sarah Discaya

Iginiit naman ni Lacson na mga awtoridad na raw ang bahala sa pagbabantay kay Dela Rosa. 

“Anyway, that’s on the law enforcement authorities to look for him,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Dela Rosa kaugnay sa naturang biro ni Lacson. 

Matatandaang tila naglabas noon ng patikim si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa hakbang na ikinakasa umano ng ICC laban kay Dela Rosa. 

MAKI-BALITA: 'Ano ba talaga, Kuya?' Remulla at Remulla, nagkontrahan sa hakbang ng ICC kay Sen. Bato!

Sa isang panayam sa radyo noong Sabado, Nobyembre 8, sinabi ni Ombudsman Remulla na mayroon nang arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa.

Ngunit ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na anumang red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol), na karaniwang nagpapatunay at nagpapadala ng abiso kung may ipinapatupad na international arrest request.

Dahil dito, naglabas ng pahayag ang kampo ni Dela Rosa at sinabi nilang wala pa raw kumpirmasyon tungkol sa nasabing balita at pinaalalahanan nila ang publiko na huwag agad itong bigyang-kahulugan hangga’t hindi pa naglalabas ng opisyal na kaso ang ICC.

MAKI-BALITA: Kampo ni Sen. Bato sa arrest warrant ng ICC: 'If proven true, we trust the PH govt!'

“At this point, we do not have independent confirmation as to whether or not this information is accurate. We therefore urge the public and the media to exercise caution and restraint in sharing or interpreting such reports until verified information is officially released by competent authorities or by the ICC itself,” giit niya,” ayon sa Facebook post ng counsel ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon noon ding Sabado. 

Bukod pa rito, nilinaw ng Korte Suprema ng Pilipinas na walang katotohanan ang mga kumakalat na social media post na nag-uugnay ng umano’y pahayag ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo tungkol sa sinasabing arrest warrant laban kay Dela Rosa.

MAKI-BALITA:  Supreme Court, pinabulaanan komento ng Chief Justice sa ICC warrant kay Sen. Bato

“For those seeking confirmation regarding social media posts attributing a quote in Filipino to Chief Justice Alexander G. Gesmundo about an alleged arrest warrant for Senator Bato Dela Rosa, please be advised that these posts are false. The Chief Justice has not issued any statement on this matter,” mula sa inilabas na pahayag ni Korte Suprema Spokesperson Atty. Camille L. Ting noong Linggo, Nobyembre 9, 2025. 

Dagdag pa rito, nagbahagi na rin ng pahayag si Vice President Sara Duterte sa publiko na mayroon siyang maaaring irekomendang abogado kay Dela Rosa noon pa sakali mang magkatotoo ang arrest warrant ng ICC. 

MAKI-BALITA: VP Sara, may irereto raw int'l lawyer kay Sen. Bato sakaling hulihin ng ICC

“Sinabi ko sa kaniya din na ang paghahanda niya magsisimula sa pagpili niya ng isang international law expert at merong experience sa ICC na abogado para nabibigyan siya ng advice kung ano ‘yong mga dapat niyang gawin,” saad ni VP Sara sa isang panayam noong sa Himamaylan, Negros Occidental noong Nobyembre 11, 2025. 

“Sinabi ko kay Macky na kung interesado man si Senator Bato dela Rosa ng abogado ay meron akong mare-recommend sa kanya na isang British counsel doon based sa England, yung international law expert,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: ''Pag gusto may paraan!' Lacson, iimbitahan si Zaldy Co sa susunod na pagdinig via Zoom

Mc Vincent Mirabuna/Balita