Isang ama sa Tabuk City, Kalinga ang nakaligtas sa pagkakakulong matapos magnakaw ng gatas para sa kaniyang anak.
Ayon sa mga ulat, nakuhanan sa CCTV camera ng isang pamilihan ang pagnanakaw ng lalaki. Bunsod nito, agad siyang dinala sa himpilan ng pulisya para imbestigahan.
Sa pagsisiyasat, nalaman ni Police Lieutenant Colonel Jack Angog, hepe ng Tabuk City Police Station, na nawalan ng trabaho ang lalaki at iniwan umano ng misis niya, kaya siya na lamang ang nag-aalaga sa kanilang anak.
“Naintindihan naman natin yung case ng suspek kaya sabi ko bayaran na lang natin, nakakaawa naman. Sabi ko huwag nang uulitin ‘yan. Ang ginawa natin, tinulungan din natin maghanap ng trabaho para hindi na maulit,” ani Angog.
Dahil sa matinding pangangailangan ng suspek, naantin umano si Angog sa storya ng suspek at naunawaan ang sitwasyon nito sa halip na kasuhan.
Binayaran niya ang gatas upang hindi na makulong ang lalaki.
Bukod dito, sinabi ng opisyal na tinulungan din nila ang ama na makahanap ng bagong trabaho upang makabangon at maitaguyod ang kanyang anak.