December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Nakakadismaya!' Raymart Santiago umalma sa 'paninira, nakasusuklam na akusasyon' ni Inday Barretto

'Nakakadismaya!' Raymart Santiago umalma sa 'paninira, nakasusuklam na akusasyon' ni Inday Barretto
Photo courtesy: Raymart Santiago (IG)/via MB/Ogie Diaz Inspires (YT)

Binasag na ng aktor na si Raymart Santiago ang kaniyang katahimikan hinggil sa mga naging maiinit at kontrobersiyal na rebelasyon ni Inday Barretto hinggil sa naging pagsasama at hiwalayan nila ng anak nitong si Claudine Barretto.

Matatandaang sa panayam ni showbiz insider Ogie Diaz sa matriyarka ng mga Barretto, idinetalye ni Inday ang mga umano'y naranasang pisikal na abuso ng anak mula sa dating manugang.

Bagama't nauna nang nagsalita ang kampo ni Santiago sa pamamagitan ng legal counsel, sinabi ng aktor na pinag-isipan muna niyang maigi kung kailangan pa niyang maglabas ng personal na reaksiyon, tugon, o pahayag sa mga pahayag ni Inday, na aniya ay "paninira at nakasusuklam na akusasyon."

Mababasa sa kaniyang Instagram stories na diretsahan niyang pinabubulaanan ang pananakit kay Claudine at iba pang mga pinakawalang rebelasyon mula sa panayam ng showbiz insider na si Ogie Diaz.

Tsika at Intriga

'The truth is out!' Claudine proud sis, wala si Gretchen sa listahan ng DOJ

"Ilang araw ko rin pinagisipan kung kailangan ko pa bang personal na magsalita. Kahit mas matimbang sa akin na manahimik na lang, siguro ay kailangan ko rin ilabas kahit paano ang aking saloobin para sa aking kapayapaan."

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

"Sa loob ng halos labintatlong taon, pinili kong manahimik at idaan ang lahat sa tamang proseso. Naging mahirap ito dahil ang pangalan na iningatan at ipinamana ng aking mga magulang ay nadungisan dahil sa mga kasinungalingan at maling akusasyon. Masakit, dahil may mga anak kaming nakakaintindi na at naaapektuhan ng kanilang mga naririnig at nababasa sa media. Nakakadismaya, dahil kung makapagsalita ang iba ay akala mong naging bahagi sila ng aming buhay at ang lahat ay alam nila," mababasa sa pahayag ni Raymart.

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

"Kahit na ganon, alam ko na ang pananahimik ang mas makabubuti para sa aming kanya-kanyang pamilya at mga anak. At alam ko at ng mga tunay na nakakakilala sa amin ang katotohanan," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

Sa totoo lang daw ay nagulat si Raymart sa mga binitiwang kuwento ng dating biyenan, na minsan na raw nag-sorry sa kaniya noon subalit ngayon ay tila naglalabas umano ng mga kasinungalingan.

Saad ni Raymart, tumupad daw siya sa naging pangako niya sa namayapang ama ni Claudine na si Miguel Barretto, at bagama't hindi rw perpekto ang pagsasama nila ni Claudine noon, hindi raw niya magagawa sa kaniya ang mga ibinibintang ng ina nito.

"Hindi kaila sa akin ang paninira at nakasusuklam na akusasyon ni Mommy Inday, ang taong nirespeto, minahal at tinuring kong pangalawang ina."

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

"Pero nakagugulat, dahil yung tao na dapat na higit na nakakikilala sa kanyang anak, ang taong siya mismong walang humpay sa paghingi ng paumanhin sa akin nuong mga nagdaang panahon ay siya ngayong nagbibitaw ng mga kasinungalingan. Hindi ko lubos maisip kung paano nila nasisikmurang humarap sa publiko at ipahiya ang kanilang sariling pamilya at harap harapang manira ng ibang tao."

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

"Hindi man naging perpekto ang aming pagsasama, malinaw sa aking konsensya na kailanman ay hindi ko nagawa o magagawa ang mga paratang nila. Tinupad ko ang pangako ko sa kanila ni Daddy Pikey [Miguel Barretto]. Kahit na sarili ko ay tinaya ko para maprotektahan lang ang anak nila. Higit sa lahat, mahal na mahal ko ang aking mga anak at binigay ko ang higit pa sa nararapat."

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

May pakiusap naman din ang aktor sa publiko na patuloy na pinupulutan sa tsismisan ang tungkol dito.

"Naiintindihan ko na kami ay 'public figures' at inaasahang tatanggapin ang bawat komento at kritisismo."

"Ngunit sa pagkakataong ito, hindi naman siguro kalabisan na hilingin ko na ang bawat isa ay umiwas sa pagpapahayag ng mga bagay na maaaring makasakit at makasama sa kapakanan ng bawat isa, lalo na sa aming mga anak at sa kanilang kinabukasan."

"Sa bandang huli, mas pipiliin ko pa rin ang respeto at na ipaubaya sa panahon na siyang humusga at maghayag ng [katotohanan]," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Raymart Santiago/IG

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag tungkol dito ang kampo ni Inday o ni Claudine. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Untruthful, slanderous!' Raymart Santiago, bumwelta sa mga pasabog ni Inday Barretto laban sa kaniya