December 14, 2025

Home BALITA National

PBBM, wala pang pahayag ukol sa death penalty—Palasyo

PBBM, wala pang pahayag ukol sa death penalty—Palasyo
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, Freepik


Nilinaw ng Malacanang na wala pang pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa posible umanong pagpapataw ng death penalty bilang parusa sa ilang mga krimen sa bansa.

Inilahad ito ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Oktubre 22.

“Sa ngayon, wala pa pong nababanggit ang Pangulo, pero siyempre sa pag-aaral po, kung ito po ay ipapataw muli at mawawala ang suspensyon o lifting ng death penalty, pag-impose ng death penalty, dapat pong aralin ito dahil hindi lamang po ito bigla-biglang sinasabi nandiyan na ang death penalty, inaaral mabuti dahil po dapat malinis, mabuti, maging maayos itong tinatawag nating Five Pillars of Justice System,” ani Usec. Castro.

“Hindi po tayo puwede na umasa at maimpluwensyahan. Dapat mawala sa impluwensya ng mga Pilipino ‘yong mga nakaraang pangyayari kung saan may nag-admit na sila ay sanay gumawa ng intriga at magplanta ng ebidensya,” dagdag pa niya.

Matatandaang sa isinagawang kilos-protesta laban sa malawakang korapsyon sa bansa noong Setyembre 21, ipinanawagan ni Unkabogable Star Vice Ganda ang pagsasagawa ng batas o pagbabalik ng death penalty bilang kaparusahan sa mga mapatutunayang korap, kurakot, o tiwaling opisyal ng pamahalaan.

"Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!" ani Vice Ganda.

MAKI-BALITA: 'Dapat patayin sila!' Vice Ganda, isinusulong death penalty sa mga korap-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA