December 14, 2025

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

#BalitaExclusives: Aspin na halos wala nang balahibo, sumakses sa US sa aruga ng Pinay fur mom

#BalitaExclusives: Aspin na halos wala nang balahibo, sumakses sa US sa aruga ng Pinay fur mom
Photo courtesy: Screenshots from Geneil Moreno/TikTok

Kamakailan lamang ay pinusuan ng mga netizen, lalo na ng pet lovers ang viral TikTok video ng uploader na si "G Moreno" matapos niyang ibahagi kung paano niya ni-rescue ang isang aspin o asong Pinoy habang nasa Pilipinas, at isinama siya sa Los Angeles, California, US kung saan kitang-kita ang amazing dog transformation nito.

Salaysay ni Moreno sa caption ng TikTok video, nakita niya sa isang beach resort sa Batangas ang isang payat at halos kalbo nang aso na palakad-lakad at tila naghahanap ng awa at pagkain.

Araw-araw daw ay halos sumusunod sa kanila ang aso, na tila umaasang mabigyan ng kaunting pagkain. Doon siya madalas matulog sa harap ng kanilang kubo, sa isang lumang basahan na nagsilbi na niyang kanlungan.

"Just a quick story: when we found Scooby at the beach resort we were staying in Batangas Philippines, he use to follow us for food and stayed sleeping on the rug in front of our 'kubo' (HUT)," aniya.

Kahayupan (Pets)

Alagang pusa, nategi dahil sa maling pagkakaunawa sa ‘pampatulog’

Bilang isang dog lover, nabagbag ang puso ni Moreno kaya agad nilang dinala sa beterinaryo ang aso, na pinangalanan nilang Scooby. Bukod dito, hindi nila iniwan basta si Scooby kundi dinala na rin sa Amerika.

Kahit na kakaunti na lamang daw ang blood platelets, isang "fighter" daw si Scooby kaya kinaya nito ang gamutan. Hanggang sa lumipas ang mga araw, talaga namang kitang-kita ang unti-unting pag-bloom ng aso.

"We gave him a bath and fed him, named him Scooby. He started to protect us, guarding and acting like he is our dog, we fell in love with him and decided to take him with us! We brought him straight to the vet and realize that he is suffering not just from mange but also blood parasite that almost killed him."

"The lab test result says thats he only have 1% of blood platelets left. It was a long healing process but Scooby is a [fighter]! He made it! It is a bit expensive but I know that this is God's plan and no money can ever replace his life. My precious little baby Scooby. He’s a good boy! Very loyal dog!"

Makalipas ang ilang buwan ng gamutan, pag-aalaga, at pagmamahal, tila milagro ang nangyari. Muling tumubo ang makinis na balahibo ni Scooby, kumikislap na ang mga mata, at puno ng sigla ang bawat tahol.

Ngayon, nasa Amerika na siya—malayo sa mapanganib na lansangan kung saan siya unang nakita.

Sa mga larawang ibinahagi ni Moreno, makikita ang kahanga-hangang transformation ni Scooby: mula sa payat at sugatang aso sa Batangas, ngayon ay isang malusog, masigla, at masayang alagang tila laging nakangiti. Ibinahagi rin ni Moreno ang ilang mga larawan ni Scooby kasama ang iba pang mga aso, at ang pagsama niya rito sa beach at iba pang lugar sa California.

Kuwento pa ni Moreno sa isa sa mga commenter ng post, ilan daw sa mga Amerikano ang napapatanong pa sa kaniya kung anong breed ni Scooby.

"Madaming nag tatanong mga american po ano daw lahi siya, mga mayayaman pa gusto ata nila bilhin si Scooby but i proudly tell them that he is an aspin! A filipino dog," proud na sabi ni Moreno.

KAUGNAY NA BALITA: Instant pawrener: Rescued aspin na wala na halos balahibo, sumakses sa Amerika!

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Geneil Moreno, tunay na pangalan ng fur mom ni Scooby, isang taon at apat na buwan na sila sa California ng kaniyang mister. Siya ay isang housewife. Sa mga curious na netizens kung paano nila nadala sa Amerika si Scooby, hindi siya na-offload dahil tiniyak nilang bago madala sa ibang bansa ay kompleto ang mga dokumento niya. Nang matiyak na puwede nilang dalhin ang aso, saka sila bumili ng plane ticket pabalik sa Amerika.

Ang mga prosesong pinagdaanan nila bago madala sa Amerika si Scooby ay ibinahagi rin niya sa isa pang TikTok video. Kabilang na rito ang pagtiyak na kompleto si Scooby sa mga bakuna. 

Tumagal ng tatlo hanggang apat na buwan ang pagproseso nila ng mga dokumento, at anim na buwan naman ang healing process ni Scooby. 

Nagbayad sila ng Airport approved crate na nagkakahalagang ₱5000 at plane ticket sa Korean Air na nagkakahalagang $300 para sa kaniya.

Noong 2024, tuluyan na nilang naisama sa Amerika si Scooby. 

Nagbigay ng ilang detalye si Moreno kung anong saya ang naibibigay sa kanila ni Scooby, kasama ng iba pa nilang pet dogs.

"Si Scooby isang fur baby na sobrang laking-saya na naidulot niya sa amin, lagi siyang kasama kahit saan kaya minsan pag may pupuntahan na hindi puwede kasama siya hindi na kami sanay, lagi namin siya iniisip," aniya.

"Minsan nakakapagod din kasi hindi super friendly si Scooby, kailangang maraming beses ka na niya nakita or bigyan siya ng treat para ma-prove mo sa kaniya na hindi mo siya sasaktan, may trauma na kasi siya, lagi siguro sinasaktan noon kapag lalapit at manghihingi ng pagkain. Hindi na siya aggressive pero mabilis siyang matakot kaya lagi siyang on guard," paliwanag pa ni Moreno.

Kaya naman, nag-iwan ng mensahe si Moreno sa mga kababayang Pilipino, lalo na sa mga kapwa niya pet lovers.

"Sana dumami pa po tayo, sana po matigil na 'yong mga pananakit sa mga walang kamalay-malay na aso, nagsu-survive lang din po kasi talaga sila sa araw-araw na binibigay sa kanila ng Diyos. Tulungan po natin sila," aniya.

Sabi nga, isang "pawnerer aspin" ang sumakses sa ibang bansa, sa tulong na rin ng kapwa Pilipino. Kaka-proud!