Binigyang-pugay ni Sen. Imee Marcos ang pumanaw na amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., sa paggunita sa ika-36 na anibersaryo ng pagkamatay nito, Linggo, Setyembre 28.
Ayon sa Facebook post ng senadora, tinawag niyang "orig" o original ang ama at isa ring dakila.
"Ginugunita natin ngayong araw ang ika-36 na anibersaryo ng pagpanaw ng aking ama, ang orig at dakilang Presidente Ferdinand E. Marcos Sr," aniya.
Saad pa ni Sen. Imee, patuloy raw niyang dadalhin ang mga araw at legasiya ni Apo Lakay, bilang isang anak.
"Bilang kanyang anak at saksi sa ginawang paglilingkod sa bayan, patuloy kong dadalhin ang mga aral at ang kanyang legasiya na hanggang ngayon ay buhay na buhay sa puso at diwa ng sambayanang Pilipino. Ay-ayatendaka, Apo Lakay!" mababasa sa post.
Samantala, dumalo naman ang kapatid ng senadora na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa isang misa na idinaos sa Immaculate Conception Parish sa Batac, Ilocos Norte, para sa death anniversary ng ama.
Hindi naman namataan si Sen. Imee sa misang ito.
"Remembering my father, Apo Lakay, on his 36th death anniversary. His memory and his dreams remain with me always," anang PBBM, sa kaniya namang Facebook post para sa ama.
Noong Setyembre 11, 2025, inalala naman ni PBBM ang kaarawan ni Marcos. Sr.
Namatay sa gulang na 72-anyos ang dating pangulo noong Setyembre 28, 1989 sa St. Francis Medical Center sa Honolulu, Hawaii, dahil sa iba't ibang sakit gaya ng systemic lupus erythematosus at kidney disorder. Napaulat ding siya ay may sakit sa puso at baga, pneumonia at bacterial infections.
Sa Hawaii nanirahan ang pamilya Marcos matapos mapatalsik sa puwesto si Marcos, Sr. dahil sa makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution, na nagluklok naman sa puwesto kay dating Pangulong Corazon Aquino.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagsimba para sa 36th death anniversary ni 'Apo Lakay'