December 13, 2025

Home BALITA National

Mga senador, suportado ang DepEd sa mga aksyon, reporma sa edukasyon

Mga senador, suportado ang DepEd sa mga aksyon, reporma sa edukasyon
Photo courtesy: via MB

Nagpahayag ng kani-kanilang suporta at tiwala ang mga senador para sa panukalang 2026 national budget ng Department of Education (DepEd).

Mababasa sa post ng DepEd Philippines na pinuri rin ng Senado ang aktibong aksyon ng kasalukuyang pamunuan sa pagsasakatuparan ng mga reporma sa sektor ng edukasyon.

Anila, sa pamumuno ni DepEd Sec. Sonny Angara at direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., titiyakin daw ng kagawaran na ang bawat piso ng pondo ay mapakikinabangan ng mag-aaral, guro, at bayan.

"Mas pinapalakas pa ng Kagawaran ng Edukasyon ang laban para sa kinabukasan ng bawat batang Pilipino. Sa ₱928.52 bilyong panukalang budget para sa 2026, tiniyak natin na bawat piso ay direktang mapupunta sa guro at mag-aaral," mababasa sa Facebook post ni Angara.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Batay sa inilabas na plano ng DepEd, kabilang sa mga prayoridad ang sumusunod:

- ₱13.2 bilyon para sa pagtatayo ng halos 4,900 bagong silid-aralan sa 2026, na bahagi ng target na 40,000 classrooms pagsapit ng 2028 sa pakikipagtulungan ng mga LGU at pribadong sektor.

- ₱11.8 bilyon para sa School-Based Feeding Program na nakatuon sa mga batang nasa kindergarten at yaong kulang sa nutrisyon mula Grades 1–6.

- ₱16 bilyon para sa pagbili ng laptops para sa mga guro at pagpapalakas ng internet connectivity sa mga paaralan.

- ₱6 bilyon para sa career progression program na makakatulong sa promosyon ng mahigit 113,000 guro at school heads.

Ang mga senador na nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa mga layunin ng DepEd ay sina Sen. Bam Aquino, Sen. Win Gatchalian, Sen. Pia Cayetano, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Loren Legarda, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Migz Zubiri.